Banta ng PNP sa mga artistang sangkot sa droga: Sumuko na kayo!

 

NAGBANTA na ang mga anti-drug campaign operative ng PNP na kusa nang sumuko ang mga kilalang celebrities na sangkot sa ilegal na droga bago pa sila arestuhin.

Ito’y matapos ngang ibandera ng pulisya na nasa kamay na nila ang listahan ng mga celebrity clients ng inarestong suspected drug pusher na si Emilio Lim at girlfriend nitong radio DJ na si Karen Bordador.

Ayon sa ulat, ilan sa mga pangalang nasa listahan ng PNP ay mga artista, singers at mga fashion models. Hindi muna isinapubliko ang mga nasa listahan para mabigyan pa ng panahon ang mga ito na kusang sumuko.

Sa report naman ng GMA News, pinayuhan ni Southern Police District Anti-Illegal Drugs Division chief Sr. Insp. Wilfredo Sanghel ang mga celebrity clients ng mga inarestong suspek na sumuko na agad dahil kung hindi ay isasama na sila sa mga aarestuhin.

Ayon pa sa police official, “Or else makakakuha kami ng lead para ma-catch up namin sila. Gumagamit sila at maaaring nagbebenta rin sila.”

Kung matatandaan, inaresto ang magdyowang Bordador at Lim sa isang condo unit matapos ang isinagawang buy-bust operation noong Sabado.

Nakakumpiska ang mga otoridad ng mga party pill o ecstasy, marijuana at drug paraphernalia. Sa paunang report ng pulisya, nabatid na si Lim diumano ang supplier ng ecstasy at iba pang party drugs sa mga high-end bar sa Bonifacio Global City at sa Makati.

Mariin namang itinanggi nina DJ Karen at Lim ang mga akusasyon ng pulisya laban sa kanila. Sa huling panayam kay Karen pinaninindigan nito na wala siyang alam sa pagbebenta ng ilegal na droga.

 

Read more...