Mundo ng mga tao at engkantada magsasanib-pwersa

encantadia sanggres

BUKOD sa gabi-gabing pagte-trending sa Twitter, puro magagandang mensahe ang pino-post ng netizens sa nakakaantig na istorya ng iconic telefantasya ng GMA na Encantadia lalo na ang episode nitong nakaraang Biyernes.

Ito yung episode kung saan kahit ilang taon na ang lumipas, pero hinahanap-hanap pa rin ng puso ni Alena (Gabbi Garcia) si Ybarro (Ruru Madrid). Samantala, sinisisi si Mila (Mikee Quintos) sa pagkamatay ni Dado (Leandro Baldemor) habang sa mundo ng Encantadia naipamalas naman ni Lira (Kate Valdez) ang kanyang unang kapangyarihan na maglaho. In fact, humataw rin sa ratings ang pinakaaabangang telefantasya ng taon. Ayon sa viewers, nakaka-hook daw talaga ang Encantadia dahil sa kakaibang istorya nito.

Sa pagpapatuloy ng maaksiyon, madrama at punumpuno ng mahikang fantaserye ng GMA, narito ang mga eksenang dapat n’yong abangan ngayong gabi.

Babalik si Ybarro (Ruru) sa Sapiro. Makikita niya uli ang lumang kalasag at susuotin. Doon biglang magpapakita ang kanyang ama na si Armeo (Jestoni Alarcon) para magpakilala at ipaalam na lagi niyang gagabayan si Ybarro/Ybrahim.

Dahil sa ipinakitang katapatan ni Pirena (Glaiza de Castro) kay Amihan (Kylie Padilla). Iginawad muli ni Amihan ang brilyante ng apoy kay Pirena. Hihintayin na lamang ni Pirena ang paglaki ng anak para maisagawa na ang mga plano niya.

Lumipas ang maraming taon, dalaga na si Lira (Kate Valdez), at payapa pa rin ang pamumuhay sa Encantadia.

Samantala, sa mundo mg mga tao, dalaga na rin si Mila (Mikee Quintos). Tumutulong siya kay Amanda (Angelu de Leon) sa pagbebenta ng gulay sa Divisoria. Darating ang mga pulis at huhulihin sila sa ilegal na puwesto. Agad na mahuhuli si Amanda at malalayo kay Mila. Makakatakas na sana si Mila nang biglang mahuhuli ng pulis. Sa takot ni Mila ay maglalaho siya, magugulat ang pulis at mapapatanong sa kasama tungkol sa paglaho ng babae.

Mapapatigil na lang din si Berto (Ryan Eigenmann) na nandoon pala at narinig ang pulis. Tatapatin ni Berto si Mila tungkol sa paglaho niya pero itatanggi pa rin ito ni Mila.

May karaniwang mga diwata ang nasa panganib mula sa kamay ng mga Hathor. Sinagip sila ng nilalang na may suot na kalasag. Bulung-bulungan sa Encantadia na madalas na nagpapakita at nagtatanggol ang nilalang niyo at matapos matalo ng nilalang ang mga kalaban ay kukunin niya ang mga armas nito.

Tawag sa kanya ay “Kalasag”. Ang nilalang na ito ay walang iba kungdi si Ybarro. Ibinibenta pala ni Ybarro ang mga nakukuha niyang mga armas sa mga Gigantes, kay Wahid, kapalit ay mga supot ng ginto. Hindi sasagot si Ybarro Nang tinanong siya ni Wahid kung saan niya gagamitin ang mga ginto. Makikita na iniipon pala ni Ybarro ang mga ginto, bilang paghahanda sa pagbangon niya ng Sapiro.

Read more...