Halos wala nang pahinga ngayon ang magaling na dancer-comedian-TV host na si Vhong Navarro dahil nagsimula nang gumiling ang mga camera ng Cineko Productions para sa pinagbibidahan niyang pelikulang “Mang Kepweng Returns.”
Hindi na kailangan pang ipakilala sa publiko kung sino si Mang Kepweng, hanggang ngayon ay aliw na aliw pa rin sa naturang karakter ang ating mga kababayan, ang yumaong si Papang Chiquito ang orihinal na Mang Kepweng.
Dalawang sultada ng “Mang Kepweng” ang ginawa ng namayapang sikat na komedyante nu’ng kanyang panahon, isa nu’ng 1979 at isa pa nu’ng 1983, parehong sobrang naging matagumpay sa takilya ang komedyang pelikula.
Si Vhong ang nagbibigay-buhay ngayon sa karakter ni Mang Kepweng sa direksiyon ni GB Sampedro. Isang grupo ng mga batambata pang negosyante ang nagprodyus ng pelikula dahil hanggang ngayon ay kabisado pa rin nila ang kabuuang kuwento ng Mang Kepweng na isang hindi malilimutang bahagi ng kanilang kabataan.
Sa pagbabalik ng isa sa mga sumikat na karakter na pangkomedya ay may mga bagong eksenang kakontemporaryo ng panahon, puwedeng tutok na si Mang Kepweng sa social media, puwede ring nakikigulo si Mang Kepweng sa kinalolokohang Pokemon Go ngayon ng ating mga kababayan.
Pero hinding-hindi mawawala sa pelikula ang mga hinalakhakang eksena nu’n ni Papang Chiquito bilang si Mang Kepweng, hindi sila hihiwalay nang malayo sa dating takbo ng kuwento, plano ng Cineko Productions na isali ang pelikula sa darating na Metro Manila Film Festival.