Weightlifting school ni Hidilyn Diaz susuportahan ng Alsons

NAKATUON sa edukasyon at pag-aaral bago sanayin sa weightlifting.

Ito ang pangunahing layunin ng itatayong Alsons-Hidilyn Diaz Weightlifting School sa mismong tabing bahay ng 2016 Rio de Janeiro Olympics silver medalist Hidilyn Diaz kasama ang supporter na Alsons Consolidated Resources.

Sinabi ito mismo ni Diaz, na kasama sina Zamboanga City councilor at dating national coach Elbert Atilano, coach Alfonsito Aldanete at national weightlifter Nestor Colonia, sa pagbabalik nito sa Maynila sa inihandang pagtanggap dito ng higanteng kompanya sa kuryente na nakatuon sa lugar ng Mindanao.

“We want to help her (Diaz) with the educational scholarships and on putting up her soon to be called Alson-Hidilyn Diaz Weightlifting School,” sabi ni Alsons Corporate Communications Manager Oscar Benedict Contreras III kasama ang Chief Executive Officer na si Tirso Santillan.

“We do give scholarships to kids as part of our corporate social responsibility and we want to help her with her project in mind, details of which will be discussed and developed based on what she wanted to be with her school,” sabi pa ni Santillan. “Our trust is really to improve education of our youth and now with young athletes.”

Ipinaliwanag naman ni Atilano, na kasalukuyang vice-president at head ng Technical Commission ng Philippine Weightlifting Association (PWA), na kanilang ia-adopt ang isinaimplementa nitong programa ng probinsiya na dapat munang mag-aral ang mga kabataan bago nito turuan at isabak sa pag-aaral ng weightlifting.

Ang Alsons ang natatanging kumpanya na naniwala at nagbigay suporta kina Diaz at Colonia bago magtungo sa Rio de Janeiro Olympics sa pagbibigay dito ng kabuuang $3,500.

“We value the education of our youth dahil noong time namin, marami kami nagbubuhat pero dalawa lang yata kami na nakatapos ng pag-aaral. Kaya napag-usapan namin ni Heidi (Diaz) na dapat naka-enroll muna ang isang bata bago siya makapagsanay sa bubuuin nitong gym,” sabi ni Atilano.

Hindi naman sinabi ang kabuuang halaga ng ibibigay ng Alsons subalit susundin nito ang anumang naisin ni Diaz para sa pagbibigay edukasyon sa mga kabataan kabilang na ang posibleng allowances, pasilidad at kagamitan.

Samantala, nagdesisyon ang mga senador ng bansa na bigyan ng cash incentive si Diaz nang dumalaw ito sa Senado kahapon.

Ang cash incentive para kay Diaz ay kukunin naman mula sa savings ng Senado.

Pinarangalan din ng Senado si Diaz matapos magpasa ng resolusyon si Senador Manny Pacquiao.

Read more...