Mga kongresman sad; ‘pork’ kinatay

NAPAKUNOT ang noo ng mga miron ng mabalitaan ang sinabi kamakalawa ni Budget Sec. Benjamin Diokno.

Sabi kasi ni Diokno nang isumite niya ang panukalang P3.35 trilyong budget para sa 2017, walang nakalaan na pondo para sa mga distrito ng kongresista.

Nilinaw ni Diokno sa mga mamamahayag nang inusisa siya tungkol dito: “there is no hard and fast rule” pagdating sa alokasyon sa bawat distrito.

Hindi katulad dito, na mayroong tiyak na halaga ng pondo sa bawat distrito. Sa mga nakaraan P70 milyon ang nakalaan sa mga distrito. Ito yung tinatawag na pork barrel.

Ibig sabihin, ang isang kongresista ay maaaring magbigay ng panukalang proyekto sa kanyang distrito nang hanggang P70 milyon. Pero dapat pasok ito sa listahan ng pagpipilian mula sa Department of Budget and Management.

Hindi na pwede ‘yung basketball court at waiting shed.

Tiyak na may maiuuwing proyekto ang kongresista sa kanyang nasasakupan.

Pero ngayon wala ng ganito. Ang sabi ni Diokno, maaaring lumapit ang kongresista, na inihalal ng bayan, sa mga ahensya at doon magbigay ng panukalang proyekto para sa kanyang lugar.

Kung pasok sa gustong pondohan ng gobyerno, maaari umanong mapagbigyan.

Ang tanong, papaano kung daan-daang milyon ang halaga ng proyekto? Swerte naman niya kung payagan ito ng ahensiya.

Sa madaling salita, walang limit. Kung okay kayo ng head ng agency, malamang bumaha ng proyekto sa nasasakupan mo. One to sawa. Walang pigilan hangga’t may pondo na puwedeng ilaan.

Paano naman kung kaaway mo ang kalihim ng ahensya? Patay kang bata ka!

Hindi tuloy maganda ang pagtingin ng isang miron sa sistemang ito.

Bakit daw kinakailangang makipag-usap ang isang halal na kongresista sa isa lang na appointed ni Pangulong Duterte.

Di ba mas mataas ang mga inihalal ng bayan dahil mayroon silang mandato kaysa sa mga itinalaga ng pangulo?

O baka mas mataas sila dahil ang pangulo ang nagtalaga sa kanila. Mas marami ang bumoto sa pangulo kaysa sa mga kongresista at mas mataas ang posisyon ng nakaupo sa Malacanang.

Tinupad ni Pangulong Duterte ang kanyang pangako na panatilihin ang Conditional Cash Transfer Program.

Sa susunod na taon, gugugol ang gobyerno ng P78.7 bilyon sa CCT o yung programa ng gobyerno kung saan binibigyan ng pera ang mga mahihirap na pamilya kapalit ng ilang kondisyon gaya ng dapat pumasok sa paaralan ang kanilang mga anak at magpa-check-up ang mga buntis (mga dapat nilang ginagawa para sa kanilang mga sarili).

Ngayon may P23.4 bilyon pang rice allowance ang mga ito.

Sabi ng isang miron, sana ay bigyan na lang ng trabaho ang mga nasa CCT sa halip na bigyan ng pera ang mga ito.

Maaari umano na gumawa ng mga programa ang gobyerno upang maging mga taga-walis o construction worker at ipampasuweldo sa kanila ang pondo sa ilalim ng CCT.

Hindi kasi benta sa miron ang pamimigay ng pera. Mas maganda umano kung tinuturuan na magtrabaho sa halip na tumihaya na lang at maghintay ng grasya.

READ NEXT
PhilHealth ID
Read more...