Kwento ng SAF44 hindi pa tapos

MAY nagtanong sa akin kung bakit ngayong wala na ang administrasyong Aquino ay saka muling binubuhay ang kwento ng Mamasapano kasama na ang pagsasampa ng mga kaso hindi lamang sa dating pangulo, mga opisyal ng Philippine National Police at Special Actionm Forces kundi maging sa ilang kumander at kasapi ng Moro Islamic Liberation Front o MILF at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF.

Naghihiganti raw ba? Sinisira lang daw ba ang pangalan ng dating pangulo? Ito ba yung sinasabi nilang weather-weather lang, kasi hindi na siya ang nasa kapangyarihan?

Simple lang ang sagot. Kako, mali ang salitang binubuhay. Ang totoo, hindi pa tapos ang kwento, hindi pa nailalabas ang kabuuang kwento.

Hindi naman ibig sabihin ay minamaliit ang pagkakapatay kay Zul Kifli bin hir alias Marwan na resulta ng naturang operasyon.

Totoong malaki ang banta ni Marwan at mga galamay nito lalo pa’t matagal-tagal nang nanatili sa Central Mindanao at nakapagturo na ng mga kaalaman sa paggawa ng bomba.

Indeed, the fact that it was an accomplishment is beyond doubt. The entire story of what happened there is what remains an untold story. There are still some missing pages.

Nasabi ko na noon sa kasagsagan ng kuwento ng Mamasapano na pinili nila ang ganitong buhay — ang katotohanan na maaari silang mamatay sa gitna ng operasyon gaya nang nangyari sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.

Hindi puwedeng tawaran ninuman ang kahandaan sa kamatayan ng mga nakipaglaban sa Mamasapano.

Kaya nga hindi dapat na fallen 44 ang tawag natin sa kanila kundi gallant 44.

Pero ano nga ba ang tunay at kumpletong kwento?

Hindi ko sinasabi na hindi totoo ang mga naikwento o naibalita na. Pero may kulang, may iniwasan, may mga ikinubling bahagi.

Kung ano-ano ang mga ito, magtanong tayo.

Sinu-sino ang nagplano sa operasyon? May mga nabanggit na pangalan sa mahaba-habang hearing sa Senado na pinangunahan ni Senador Grace Poe. Naglabas pa nga ng report at rekomendasyon ang kanyang komite.

Pero sila nga lang ba ang nagplano?

‘Pag may plano, may nais kang mangyari, may goal.

Pamahalaan lang ba ang makikinabang kung sakali? Ang dating pangulo lang ba at ang tropapits niyang si dating PNP Chief Allan Purisma (na noong panahong nagplano sila, linawin lang natin uli ay nasa status o kalagayang suspendido)?

Katanggap-tanggap ba na matapos na pag-aralan ang situation on the ground, number of forces and disposition of targets based on very reliable intelligence information provided by counterparts, susugod ka ng ganun knowing na ganun karami ang babalikwas at makikipagbakbakan sa isang putok lamang lalo pa sa oras de peligro? Oras na tulog pa halos ang marami sa kanila? Baka iba talaga ang plano? Baka naman hindi intensiyon ng mga nagplano na ibangga talaga sa mga daan-daang armadong puwersa ng MILF ang mga pumasok na tropa doon ng PNP-SAF?

Baka naman may ibang usapan? kasunduan at napag-usapang istilo kung paano papatayin si Marwan na pabor hindi lamang sa panig ng pamahalaan kundi maging sa panig ng MILF?

Lampasan natin ang planning stage. Yung mismong araw, balikan natin?

Hindi ba napakarami ng kasapi ng PNP-SAF na nagpunta sa Maguindanao at ang sabi, batay sa mga nadinig sa Senado, nasa highway lamang ang karamihan sa mga ito at ang mga naipit sa bakbakan, yun lamang talaga ang naiwan sa lugar na kung ang pagbabatayan ang real time intelligence information na natanggap nila noon?

Ano ba talaga ang papel nila? Bakit nasa highway lang ang karamihan sa kanila?

Ang totoo, marami pang tanong na hindi pa natanong.

Balikan natin ang tanong sa taas at ulitin natin ang sagot. Hindi pa tapos ang kuwento dahil hindi pa kumpleto ang kuwento.

Read more...