BAKIT nga naman pagkakaabalahan ng mga politiko ang mga patay, mga sementeryo, mga lagakan ng abo? Bakit mas abala ang mga politiko sa kung sino ang kukupkop kay Chiz, kung paano raratsada sina Noy at Mar (na tila tinamaan din ng kalamidad nang di mabalitaan nang rumagasa nang magkakasunod sina Ondoy, Pepeng, Ramil at Santi at humatak ng napakaraming bilang ng mga patay), ang patutsada ni Sen. Manny Villar na di siya sumasakay sa pangalan ng kanyang ama’t ina para lamang mapansin (di naman kasi kandidato ang kanyang ama’t ina)? Ganito nga sa Makati Catholic Cemetery, ang napakaliit na sementeryo-publiko ng bilyonaryong lungsod ni Mayor Binay. Sa Pasay at Mandaluyong ay may itinayo nang crematorium, bukod sa nakagawiang dormitoryo at ngayon ay may mga inihahanda nang paglalagakan ng abo (tila sina Mayor Trinidad at Abalos na lang ang pumapansin sa mga patay, mabuhay sila!).
Ano nga naman ang mapapala sa mga patay ng trapo (traditional policitian)? Wala. Di tulad noon, na ang eleksyon ay kasabay ng halalan sa Estados Unidos, kaya fiesta ang mga sementeryo tuwing Todos Los Santos, dahil ilang araw na lang ay eleksyon na. Nangangampanya ang mga politiko sa sementeryo.
O kay daling makita ng batang nawawala.
Pero, malayo pa ang Mayo 2010. At bawal nang magparamdam ang mga politiko sa sementeryo (pero kaya pa ring “paikutan,” basta disimulado lang).
Wala ngang makukuhang boto sa sementeryo. Marahil wala ring makukuhang boto sa mga binaha ng sunud-sunod na mga bagyo. Kaya wala roon ang mga politiko. At mas lalong walang politiko sa lamay ng mahigit 100 katao na namatay sa leptospirosis.
Kawawa talaga ang mga buhay. Pero, mas kawawa ang mga patay. Walang pakialam ang mga politiko kung ang kanilang mga nitso’y tuntungan na lang ng mga dumadagsa sa sementeryo tuwing Araw ng mga Patay.
Walang pakialam ang mga politiko kung lubog sa baha ang mga nitso, dahil ang binahang mga buhay ay di nga nila pansin, ang mga patay pa?
Sa burol pa lang ay wala nang pakialam ang mga politiko, lalo pa’t mahirap at aba lang ang namatay. Nasa talaan ng mga puneraryang-masa kung ilang linggo ibinuburol ang mga patay (inaabot pa ng halos isang buwan), makalikom lang ng P4,500-P5,000 panlibing mula sa pakurut-kurot na tong ng sugal-baraha at bingo.
Mahirap na nga’t mangmang, pinagsasamantalahan pa ng mga politiko.
At ngayon, dadaanin pa nila ang kampanya sa paggamit ng mga artista para makuha ang boto ng mahihirap at aba.
Talagang ganyan. Muli na naman tayong pagsasamantalahan ng mga politiko.
Lito Bautista, Executive Editor
BANDERA, 110109