Maynilad hindi pa tiyak kung kailan magiging normal ang suplay ng tubig sa MM
SINABI ng Maynilad na hindi pa nito tiyak kung kailan magiging normal ang suplay ng tubig sa Metro Manila matapos namang bawasan ang produksyon ng tubig dahil sa maruming tubig na nanggagaling sa Angat Dam.
Sa isang panayam, sinabi ni Maynilad Media Relations Officer Grace Laxa hindi pa nila masasabi kung kailan magiging normal ang produksyon ng tubig sakaling magpatuloy ang pag-ulan hanggang bukas o Huwebes.
Idinagdag ni Laxa na nagkaroon naman ng pagbabago sa tubig mula sa Ipo Dam.
“As of 5 a.m., mayroong nakitang improvement sa raw water sa Ipo Dam, pero hindi pa sapat para maibalik sa normal ang production. Kung ang pag-ulan ay magpapatuloy pa, hindi natin masisiguro na babalik tayo sa normal. Mahirap pong isaalang-alang ang safety ng ating tubig kung hindi maganda ang nakukuha nating klase,” sabi ni Laxa.
Humingi rin ng paumanhin si Laxa sa 850,000 kostumer nito na apektado ng pagbabawas ng suplay ng tubig.
Noong Linggo, binawasan ng Maynilad ang suplay ng tubig dahil na rin sa maduming tubig na nanggagaling sa Ipo Dam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.