KUNG maniniwala tayo sa PNP, lagapak ang kriminalidad sa unang 46 araw ng Duterte administration.
Ayon kay PNP chief Ronald “Bato” de la Rosa, bumagsak ng 49 porsiyento o halos kalahati ang “crime index” ng bansa nitong Hulyo, kumpara noong 2015.
Lumilitaw talaga na karamihan sa mga krimeng nagaganap ay may koneksyon sa droga – nakawan, akyat bahay, holdap, snatching, “domestic violence”, panggagahasa at iba pang pang aabuso na ang biktima ay mga simpleng mamamayan.
Sa mga barangay sa Metro Manila, nawala o lie-low ang mga siga at adik, ang mga maiingay na inuman sa kalye, ang mga nagkalat na bastos kasama na ang mga kriminal.
Epektibo rin ang mga barangay at city curfews para ang mga kabataan ay maagang nakakauwi sa kanilang mga bahay. Ang naiintindihan ng marami, malawakan at walang sinisino ang kampanya ni Duterte dahil lahat ng sangkot sa droga ay sinasagasaan, maging police general, mayor, governor, congressman, judge, sundalo, barangay captain.
Idagdag pa riyan ang “empowerment” sa mga mamamayan na magreklamo sa pagtawag sa 911 laban sa krimen at kung tungkol naman sa serbisyo ng gobyerno ay 8888.
Ibig sabihin, kahit anong oras ay pwedeng isuplong ang mga perwisyo sa iyong barangay agad-agad. Ang maganda rito ay hindi ka na kailangang dumaan pa sa barangay para magreklamo.
Bumaba ang krimen dahil meron nang “climate of fear” sa mga kriminal lalo na sa barangay. Higit 300,000 na bahay ng mga pushers at adik ang binisita ng “Oplan Tokhang” sa buong bansa.
Ang mga “untouchable” at “mahirap banggain” ang mga siga-sigang ito barangay. Kaya naman, tahimik ngayon ang taumbayan sa mga nagaganap na police operations, summary killings sa mga drug offenders.
At sabi nga nila “buti nga”, “good riddance” “ nagwakas na rin ang mga kabuktutan” o kaya’y nanaig din ang batas.
Sa totoo lang, maging mga pulis o kapitan na sangkot sa droga ay patay din. At kapag nagmalabis naman sila tulad ng mag-amang napatay sa Pasay City police, kinasuhan sila ng “murder” ng kapwa pulis. Kumonti rin ang mga magsasakang pulis na nagtatanim ng ebidensya para manghulidap. Isa nang “national disaster” ang droga, lalot halos 700,000 na ang mga adik at pusher na sumuko , at pwede raw umabot ng 2M iyan.
Sa pagbaba ng krimen, sila ang lumilitaw ngayong malaking sanhi ng mga krimen sa bansa. Ang masakit lamang , mga pusher na pulis din ang nagpakalat ng mga adik .
Mga pulis mismo, mula General pababa hanggang PO1 ang mismong mga sindikato ng droga kayat dumami ang mga adik pati mga kriminal sa bansa. 46 days pa lamang ang Duterte administration pero nangalahati na ang “crime index”, ano pa kaya kung matapos ang anim na taon na mandato nito pati na ang pangako sugpuin ang droga sa loob ng 3-6 months?
Ngayon pa lamang, maraming mamamayan ang pumapalakpak habang nangggalaiti naman ang mga human rights advocates. Higit 1,000 na ang napapatay mula July 1, at ang average ay halos 20 bawat araw. Pagsapit kaya ng Pasko, drug-free na ang Pilipinas?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.