HINDI sagot ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson ang buong $12 million na magagastos sa gaganaping 2017 Miss Universe sa Pilipinas sa Enero.
Ayon kay Gov. Chavit hindi siya ang sponsor ng pageant, siya lang ang naggarantiya na hahanap ng magpi-finance sa event at kung anuman ang magiging kakulangan ay yun ang sasagutin niya.
“Lahat ng mga casino, okay na lahat (pumayag ng mag-sponsor), like Kazuo Okada’s team. Kung walang mag-sponsor ako maglalabas, (sabay tawa), pero konti lang naman siguro,” sabi ng dating gobernador.
Ang mga hotel na titirhan ng mga kandidata sa Miss U ay ang Resorts World, Solaire at City of Dreams. Pumayag na rin daw ang SM MOA na doon ganapin ang ilang aktibidades ng nasabing international pageant.
Unang beses susuporta si Gov. Chavit sa Miss U kaya naman natanong kung paano siya napapayag dito, “Nu’ng before election, ino-offer na ‘yan sa iba-ibang company, pero walang tumatanggap kasi 12 million ang gastos diyan in dollars, so nu’ng ako ang kinausap nakita kong maganda para sa Tourism natin.
“Kasi ang domino effect ng Tourism, pag marami tayong turista, maraming negosyo (na magbubukas), mapo-promote ang buong Pilipinas, so magandang support ito. Suportado rin naman ito ni Presidente Duterte pero sabi nga niya dapat walang gastos ang gobyerni. Kaya kung marami akong makuhang sponsor, hindi ako malulugi, kung konti lang malulugi ako,” paliwanag pa ng dating gobernador.
Sa pangambang baka guluhin ng mga terorista ang gaganaping Miss Universe sa bansa, “Well ganyan naman ang mga threat ever since, tulad nu’ng kay Pope, ‘yung APEC, ganu’n naman lahat pag may event. But of course, we should be extra careful, nakipag-coordinate na rin kami sa mga kapulisan at sundalo natin.”
Nakahanda na rin daw ang mga service ng Miss U candidates tulad ng 148-seater plane, luxury buses at mega-yatch na two decker mula sa Italy na na papangalanang Happy Life or Miss Universe.