Tabal sisikad na sa Rio Olympics women’s marathon
KAKALABANIN ni Mary Joy Tabal ang kanyang sarili sa pagtatangkang makaagaw ng medalya sa pagsikad nito sa distansiyang 42,195 kilometro sa 2016 Rio Olympics women’s marathon na gaganapin Linggo ng umaga (Linggo ng gabi, PH time) sa Sambradome ng Brazil.
Sinabi ni Tabal, na isang buwan na nagsanay sa Nippon Sports Science Institute sa Japan bago direktang nagtungo sa Rio noong Agosto 3, na target nito sa Rio Olympics na lampasan ang kanyang personal best na dalawang oras, 43 minuto at 31 segundo.
Ang 27-anyos at 3-time National Milo Marathon champion ay aminado sa kanyang tsansa sa Olimpiada kung saan ang kasalukuyang record ay 2:23:07 na itinala ni Erba Tiki Gelena ng Ethiopia sa pagwawagi ng gintong medalya sa 2012 London Olympics.
Ipinaliwanag ni Tabal na para makaagaw ng medalya ay kailangang takbuhin nito ang buong 42.195-km ruta na magsisimula at matatapos sa parade area na ginagamit sa sikat na Rio Carnival sa loob lamang ng 2 oras at 30 minutes.
“Gusto ko pa na pababain ang oras ko na 2:43 at tumakbo sa 2:40 o mas mababa. If I can do 2:40 then it will be a good finish for me. I hope I’m at my best condition on race day,” sabi ni Tabal na isa sa limang Pilipinong atleta na naiwan para sa pambansang delegasyon.
Maliban sa golfer na si Miguel Tabuena, na 16 strokes napag-iiwanan sa unahan patungo sa ikatlong round, ay sunod na sasabak para sa Pilipinas sina Eric Cray na tatakbo sa men’s 400m hurdles bukas; long jumper Marestella Torres Sunang sa Martes at panghuli si taekwondo jin Kirstie Elaine Alora sa +67 kg class sa Agosto 20.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.