Robin inireklamo ang mga ulat sa Laguna drug raid

robin padilla

INIREKLAMO ni Robin Padilla ang pagkakabanggit sa pangalan niya sa naglabasang report tungkol sa isinagawang anti-drug operation sa Laguna.

Ayon sa kampo ng action star, hindi makatarungan na pati ang pangalan niya ay makaladkad sa isyu ng droga sa bansa, lalo na’t kilala siyang tagapagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa police report, isang nagngangalang Alvin “Vergel” Commerciante ang napatay sa drug raid sa San Pedro, Laguna nitong nagdaang Huwebes. Si Commerciante ay pinaghihinalaang top supplier ng illegal drugs ng ilang celebrities.

Bukod dito, nahuli rin ang live-in partner ni Commerciante na si Cristine Padilla, na sinasabing kaanak daw ni Robin Padilla. Itinaggi ng babae na may kinalaman siya sa pagbebenta ng droga.

Sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Rudolf Philip Jurado, nagpahayag ng pagkadismaya si Binoe matapos ngang madamay ang kanyang pangalan sa nasabing anti-drug operation. Isa umano itong malinaw na “character assassination”.

“Mr. Robin Padilla considers as character assassination the use of his name in reports concerning dangerous drugs, especially when simple investigation would readily reveal that he is not, in any way, connected to controversy.

“He also condemns anyone who uses his name to acquire a favorable treatment in any government office or law enforcement agency,” ayon kay Atty. Jurado sa mensaheng ipinadala niya as ABS-CBN.

Wala namang binanggit ang abogado kung magsasampa ng pormal na reklamo si Robin laban sa mga news agencies na nagbanggit ng kanyang pangalan.

Kung matatandaan, ito na ang ikalawang pagkakataon na umalma ang aktor dahil sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa operasyon kontra droga. Noong May 31, 2016, nabanggit din ang kanyang pangalan matapos maiulat na siya raw ang may-ari ng isang bahay sa Pampanga na ni-raid ng mga otoridad.

Read more...