BINALAAN ni Judge Yvonne Cabaron-Artiaga ng Municipal Trial Court in Cities sa Cebu City ang mga naglalaro ng Pokemon sa kanyang silid-hukuman na pagmumultahin niya ang mga ito.
OA naman itong si Judge! Hindi na niya dapat sabihin yun.
Of course, hindi naman dapat gumawa ng anumang bagay ang isang nasa loob ng korte dahil ito’y nakasasagabal sa bista o pagdinig ng kaso.
Kawalan ng paggalang ito sa korte na ang tawag sa Ingles ay “contempt of court.”
Pinaparusahan ng multa o maikling panahon na pagkakulong ang isang tao na hindi nagbibigay ng paggalang sa korte.
Ganoon ang kapangyarihan ng isang judge.
Hindi kataka-taka na humingi ng paumanhin si Pangulong Digong kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa kanyang pagbitiw ng maanghang na salita sa babaeng mahistrado.
Sinabi niya na nadala lang siya ng kanyang emosyon dahil napakalaki ng problema sa droga.
Si Presidente ay maginoo, lalo na sa mga babae.
Karamihan kasi sa mga edukadong lalaki na babaero ay marunong gumalang sa babae.
Pero ang paghingi ng apology ni Mano Digong kay Sereno ay hindi nangangahulugan na hihina ang kampanya laban sa droga.
Ang ugat ng iringan nina Presidente at Chief Justice ay dahil sa pagtuligsa ng huli sa marahas na pamamaraan ng administrasyon ni Digong sa pagsugpo sa pagkalat ng droga.
Inatasan ni Presidente Digong si Public Attorneys Office (PAO) Chief Persida Acosta na pumunta ng Saudi Arabia upang alamin kung anong maitutulong ng gobyerno sa 10,000 mga stranded na Pinoy workers doon.
Si Acosta ang napili na tulungan ang mga stranded na OFW dahil sa kanyang sinserong pagtulong sa mga naa-ping mamamayan.
Kung bakit hindi inaksiyunan ng noon ay Pangulong Noynoy ang mapait na sinapit ng mga 10,000 OFW ay tanging siya lang ang nakakaalam.
Sinabi sa akin ni Acosta kahapon, sa kanyang pakikipag-usap sa akin mula sa Saudi Arabia na hihingan niya ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)
upang maipabalik ang mga OFW sa bansa.
Ang aking suhestiyon: Bakit hindi humingi si Acosta ng pera sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) sa repatriation ng mga OFW kung kulang ang pera sa DSWD at OWWA?
Dapat ipasara ang The Lake Hotel sa Tagaytay City dahil pinigilan nito na makapagreklamo sa pulisya ang isang estudyante na ginahasa sa loob ng hotel.
Ang biktima ay 18-anyos na nag-aaral sa isang unibersidad sa Batangas.
Siya’y nago-OJT (on-the-job training) sa The Lake Hotel na kasama sa kanyang kursong tourism.
Ang suspect ay si Edison Siapno, 21, waiter ng hotel.
Dahil hindi pinalabas sa hotel ng management ang biktima ng dalawang araw, hindi agad nakapag-report ito sa pulisya.
Hinayaan din ng hotel na makatakbo ang suspect at ngayon ay nagtatago na.
Ang biktima ay hinalay sa isang comfort room sa hotel.
Bakit siya nahalay sa loob ng comfort room, itatanong ninyo.
Pinaglinis ng hotel management ang pobreng estudyante sa comfort room bilang OJT.
Yan ba ang pinagagawa ng hotel sa mga estudyanteng OJT—pali-nisin ng kubeta?
Aba’y bakit pa pumasok ng kolehiyo kung gawaing janitor lang ang natutunan sa OJT?