P2.5-M pabuya ni Onyok Velasco sa Atlanta Olympics di pa rin naibibigay ng Gobyerno

onyok velasco

HARINAWANG may magawang paraan si Senador Manny Pacquiao para ang pangako ng gobyerno na napako na lang kay Mansueto “Onyok” Velasco ay hindi mauwi sa kawalan.

Taong 1996, dalawang dekada na ngayon, nang makapag-uwi ng silver medal sa boxing ang pambatong atleta ng ating bayan sa Atlanta Olympics. Kung tutuusin ay gintong medalya dapat ang pinanalunan niya, pero nadaya si Onyok, ang kalaban niyang Bulgarian na pinaliguan niya ng mga suntok ang tinanghal pang gold medalist.

Madaling-araw nu’n, sumisigaw ang sports personality na si Mr. Joe Cantada, “They just robbed us of the gold!” Inanyayahan nito ang mga Pilipinong gising pa nu’ng mga oras na ‘yun na tumayo at palakpakan si Onyok Velasco.

Isa kami sa nagbunyi para kay Onyok, malakas na palakpak ang iginawad sa kanya ng buong bayan, nakalulungkot lang isipin na mula nu’n ay hindi pa pala napapasakamay ng boksingero ang 2.5M pesos na insentibong ipinangako sa kanya ng ating pamahalaan.

Halos makipagpatayan na ‘yung tao para makapag-uwi ng karangalan para sa bansang Pilipinas, dinaya pa nga, pero ang nakalaan palang pabuya o insentibo para sa mga atletang Pilipinong nagtatagumpay sa pandaigdigang labanan ay wala pa rin. Kailan nila ibibigay kay Onyok Velasco ang kanyang insentibo, kapag hindi na niya ‘yun mapapakinabangan, kapag huli na ang panahon?

Nagbigay ng pahayag si Senador Manny Pacquiao na gagawin nito ang lahat ng paraan bilang tagapamahala ng larangan ng sports sa Mataas Na Kapulungan na maibigay ang mga insentibong nakalaan para sa ating mga atleta.

Sana nga, kahit dalawang dekada na ngayon ang nakararaan mula nang manalo siya sa Olimpiyada, ay matikman pa rin ni Onyok Velasco ang produkto ng kanyang tagumpay.

Read more...