ANG Polillo Group of Islands ang bida sa episode ng Biyahe ni Drew ngayong Biyernes.
Isa sa highlights ng biyahe ng Kapuso host ay ang Kabalu Sand Bar kung saan makikita ang mga migratory birds na mga Chinese egrets. Samantala, sa Pulong Coccoc na isang white sand island, kapansin-pansin naman ang isang rock formation na lumalaki o lumiliit depende kung high tide o low tide.
Magtutungo rin sina Drew sa Isla Puting Bato kung saan puwedeng mag-caving. Buhay na buhay rin sa Polillo Island ang pearl farming.
Titikman din ni Drew ang mga pagkain dito tulad na lang ng tarukog na “kibit” sa mga taga-Quezon, ang kuray na parang alimango ang itsura, ang sahang na isang clam fish na malaki ang shell, at ang bulaso.
Para sa pasalubong na tatak Quezon, rekomendado ni Drew ang mga iskulturang gawa ng mga mangingisda sa Nakar. Hindi rin magpapatalo ang mga misis ng mga mangingisda dahil sila naman ay gumagawa ng iba’t ibang produkto mula sa mga tanim sa kanilang bakuran.
At upang makumpleto ang kanilang adventure, mag-aala-Survivor sina Drew sa Anilon Island. Walang cellphone o wi-fi signal at walang basic equipment tulad ng kalan, makayanan kaya ni Drew ang extra challenge na ito? Sama na sa Biyahe ni Drew tonight, 8 p.m. sa GMA News TV.