Olympic medalist Hidilyn Diaz mainit na sinalubong
By: Dennis Christian Hilanga
- 8 years ago
DAMANG-dama ni Olympic silver medalist na si Hidilyn Diaz ang mainit na pagsalubong sa kanya ng mga kababayan na nag-abang sa kanyang pag-uwi Huwebes ng hapon sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Hiyawan at palakpakan ang ibinigay para sa bagong bayani na nagbigay ng karangalan sa bansa nang dumating ito na suot ang kanyang medalyang pilak at nakauniporme ng Philippine Air Force. Si Diaz ay reserved member ng PAF na may ranggong Airwoman second class.
Si Diaz ang kauna-unahang Pinay na nakapag-uwi ng Olympic medal sa bansa matapos pumangalawa sa weightlifting sa 2016 Rio De Janeiro Olympics sa Brazil.
Masayang isinabit ng 25-anyos na tubong Zamboanga ang medalya sa inang si Emelita na masaya at excited na nag-abang sa kanya.
Natanggap na rin niya ang tsekeng P5-milyong incentive, ayon na rin sa Republic Act 10699 o ang National Coaches and Incentive Law. Siya ang kauna-unahang benepisyaryo ng nasabing bagong batas.
Sa press conference, sinabi ni Diaz na hindi pera ang kanyang habol sa pagsali sa palakasan kundi ang karangalan na maibibigay para sa bansa.
Inihayag din ng three-time Olympian na wala pa sa isip niya ang pagreretiro at pinaghahandaan na ang 2017 Southeast Asian Games at 2020 Tokyo Olympics kung saan target niya namang maibulsa ang gintong medalya.
Nakatakdang makipagkita si Diaz kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa isang courtesy call sa Davao City Huwebes ng gabi bago tumulak sa kanyang hometown Zamboanga City kung saan isang hero’s welcome ang naghihintay sa kanya.
Bumuhat siya ng kabuuang 200 kg sa women’s 53-kg weightlifting class para tanghaling silver medalist at ibigay sa Pilipinas ang unang medalya sa Olympics matapos ang 20 taon.
Si Diaz ang naging unang Pilipino na makapag-uwi ng medalya sa larangan ng Weightlifting at ang unang Olympic medalist mula Mindanao at ikatlong nag-uwi ng pilak kasunod nina Anthony Villanueva (1964 Tokyo Games) at Mansueto ‘Onyok’ Velasco (1996 Atlanta Games).