Hidilyn Diaz bumuhat ng pilak sa Rio Olympics

MINSAN nang pinapagretiro, hindi isinama sa pambansang delegasyon, iniwanan sa Asian Games at pinagdudahan ang kakayahan bilang pambansang atleta, binalewala ito lahat ng weightlifter na si Hidilyn Diaz tungo sa pagsungkit ng pilak na medalya Lunes ng umaga sa ginaganap na 2016 Rio de Janeiro Olympics.

Pinatunayan ng 25-anyos na si Diaz, na nasa kanyang ikatlong sunod na pagtuntong sa Olimpiada, na karapat-dapat siya sa pagkakakuwalipika sa kada apat na taong torneo matapos itala ang total lift na 200 kilograms upang putulin ang 20-taong pagkauhaw ng bansa sa medalya sa Olimpiada.

Kinulang lamang ang laking Zamboanga City na si Diaz ng kabuuang 2 kilogramo upang maitala ang kasaysayan sa women’s 53-kg weightlifting division na pinakaunang nakasungkit ng napakailap na gintong medalya sa Olimpiada.

Napunta ang gintong medalya kay Shu-Ching Hsu ng Chinese Taipei na bumuhat ng kabuuang 212 kg na sinundan ni Diaz ng 200 kg. Ikatlo si Jin Hee Yoon ng South Korea na nakabuhat naman ng total lift na 199 kg.

Ang pilak ni Diaz ay naglagay sa Pilipinas sa walong bansa na nasa pangkalahatang ika-20 puwesto.
Hindi naman pinalad ang kababayan ni Diaz na si Nestor Colonia sa men’s 56kg class matapos wala itong maitalang rekord sa kanyang pagbuhat sa snatch at clean and jerk.

Itinala ni Diaz, na miyembro ng Philippine Air Force, ang kasaysayan bilang pinakaunang babaeng atleta na nagwagi ng medalya sa Olimpiada at pinakauna ring Pilipino na nakapag-uwi ng medalya sa weightlifting. Siya rin ang unang atleta na hindi mula sa boksing na nagwagi ng medalya sapul noong 1936.

Ang binuhat ni Diaz ay mababa sa kanyang itinalang personal best sa pagsali sa women’s 58kg event ng 2015-16 Philippine National Games (PNG) National Finals na isinagawa sa Lingayen Town Plaza sa Lingayen, Pangasinan, na 92kg sa snatch at 120kg sa clean and jerk para sa pinagsamang 212 kg.

Huli itong nagwagi ng tatlong tansong medalya sa snatch, clean and jerk at overall total sa 53kg division sa IWF World Weightlifting Championship na isinagawa sa Houston, Texas, USA noong Nobyembre 22, 2015 upang masungkit ang kanyang silya sa Rio Olympics.

Una munang nabigo si Diaz na makumpleto ang dalawa sa kanyang tatlong attempt sa snatch at magkasya lamang sa 88 kg sa una nitong pagbuhat para sa ikaanim na puwesto. Agad naman nitong nabuhat sa clean and jerk sa unang pagtatangka ang 111 kg bago nito sinundan ng 112 kg.

Pinilit nito na makamit ang ginto subalit hindi nito nakayang buhatin ang 117 kg sa ikatlo at huling attempt.

Si Diaz ang ikasampu lamang na pambansang atleta na nakapag-uwi ng medalya sa Olimpiada at makasama ang mga boxers na sina Anthony Villanueva (1964 Tokyo Olympics, men’s featherweight) at Mansueto Velasco (1996 Atlanta Olympics, men’s light flyweight) na nagwagi ng pilak.

Read more...