Hindi nakaligtas sa mga kriminal ang mga kagawad ng media kabilang na ang ilang Pilipino na nagko-cover ng 2016 Rio Games sa Rio de Janeiro Brazil.
Pinasok ng magnanakaw ang kwarto ng dalawang tv crew ng TV5 Network na sina Lia Cruz at Magoo Marjon sa Media Vilage noong Biyernes kung saan natangay ang kabuuang $800 halaga ng salapi.
Nadatnan naman nang photographer ng Philippine sports website na Spin.ph na si Jerome Ascano ang kanyang bag na bukas isang gabi noong nakaraaang linggo pagbalik nito sa kanyang kwarto. Mabuti na lamang at naalis niya ang mahahalagang gamit at equipment bago maganap ang tangkang pagnanakaw.
Maging ang Australian photographer na si Brett Costello ay biktima rin kung saan anim na lalaking nakabihis ng pormal ang pumalibot sa kanya sa isang venue malapit sa Olympic Park at pwersahang kinuha ang kanyang camera at ilang importanteng gamit na nagkakahalaga ng $40,000. Nakunan sa closed-circuit television o CCTV ang insidente ng nakawan na kalauna’y in-upload sa YouTube.
Naaresto ng pulis ang isa sa mga lalaking nambiktima kay Costello sa katirikan ng araw sa tulong rin niya.
Makalipas ang ilang oras ay isang Argentinian sports reporter ang sunod na tinarget ng mga kawatan kung saan sapilitang hinila ng tatlong lalaki sa isang sulok ng makipot na iskinita malapit sa downtown Rio sabay takbo nang kanyang pera, laptop at cellphones.
Ayon sa mga otoridad, 85,000 sundalo at pulis ang nakatalaga sa mga kalye- dobleng bilang kumpara sa security officials na idineploy noong 2012 London Games- upang mapanatiling ligtas ang Rio Games.
Subalit maging mga opisyal na namamahala sa seguridad ay hindi pinalampas ng mga masasamang loob. KInumpirma ng Brazil MInistry of Justice na si Felipe Seixas, coordinator ng security for special events sa loob ng Secretariat for the Security of Large Events ay target ng pag-atake matapos ang opening ceremonies noong Biyernes.
Pati ang education minister ng Portugal na si Tiago Brandao Rodrigues kasama ang isang assistant ay ninakawan sa Olympic lake kung saan ginaganap noon ang Rowing event. Agad namang nadakip ng mga pulis ang suspek at naibalik rin ang mga nakuha kay Rodrigues.
Matatandaang bago pa man magsimula ang Rio Games ay mga napabalita ng serye ng pag-atake sa mga bisita at mas naging talamak pa ang nakawan mula sa mga jersey, sapatos at bed sheets sa pagsisimula ng palaro. Maging ang mga medalya sa swimming event na nakatago na sa secure safe na may dalawang lebel ng security guards ay hindi nakalagpas sa mga kawatan.
MOST READ
LATEST STORIES