SUMUKO kay Philippine National Police chief Dir. Gen. Ronald “Bato” De la Rosa ang isa sa pinakamalaking drug lord sa Central Visayas, kung saan inamin nito ang pagkakasangkot sa iligal na droga.
Kusang pumunta sa pulisya ang umano’y drug lord na si Franz Sabalones noong Linggo ng gabi.
Itinuturing si Sabalones na pangalawa sa pinakamalaking drug lord sa Cebu, kasunod ng kanyang dating boss, ang napatay na drug kingpin na si Jeffrey “Jaguar” Diaz.
Hindi naman kasama si Franz sa listahan na ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte, bagamat kasama ang kanyang kapatid na lalaki na si Fralz, vice mayor ng San Fernando, southern Cebu. Nauna nang sinabi ni Fralz na biktima siya ng mistaken identity.
Nagtungo ang magkapatid na Sabalones sa Camp Crame kahapon ng umaga.
“Gusto ko nang magbago,” sabi ni Franz nang tanungin ni De la Rosa kung bakit siya sumuko.
“Kung hindi siya magbago, mapapatay talaga ito. Ngayong nag-surrender ka, magbago ka na ha?” sabi ni De la Rosa.
Sinabi ni De la Rosa na inamin ni Franz sa kanya na nagbibigay siya ng P200,000 lingguhang suhol sa isang police colonel sa Cebu bagamat hindi na niya ito pinangalanan.
“Baka mapatay ko ‘yung colonel na ipapatawag. Hawakan ko leeg at baliin ko leeg kapag nasa harap ko siya,” sabi ni De la Rosa.