Ginulat ng Croatia ang Spain upang ibulsa ang gitgitang 72-70 tagumpay sa Rio Olympics men’s basketball Group B preliminary round game sa Carioca Arena 1 sa Rio de Janeiro, Brazil Linggo ng gabi (Lunes ng umaga sa Pilipinas).
Isang butata ang ibinigay ni Dario Saric, naglalaro rin para sa NBA team na Philadelpia 76ers
kay Pau Gasol para sana sa panablang inside shot ng huli para sa mga Espanyol subalit mas nanaig ang matinding depensa ni Saric para nakawin ang upset win ng koponan.
Ang Croatia ang nagwagi sa Turin Olympic Qualifying Tournament nitong Hulyo matapos tibagin ang host country Italy sa overtime, 84-78, kung saan si Saric ang tinanghal na Finals MVP na nagtala ng 14 puntos, 10 rebounds at 2.2 assists average.
Naglista si Brooklyn Nets guard Bojan Bogdanovic ng 23 puntos para sa Croatia habang nagtulong naman sina Darko Paninic, Krunoslav Simon at Saric para sa pinagsamang 26 marka para sa nanalong koponan.
Mayroong 26 puntos si NBA veteran at two-time champion Gasol na kasalukuyang maglalaro sa San Antonio Spurs samantalang si Nikola Mirotic ay nagdagdag ng 19 markers para sa Spain. Matatandaang ang Spain ang silver medalist sa nakalipas na dalawang Olympiada sa likod ng USA.
MOST READ
LATEST STORIES