Kilalang aktor pinangakuan ng kasal ang lahat ng naging dyowa

BLIND ITEM MAN 0220

KUNG ang mga dating malapit sa isang nakahiwalay na showbiz couple ang tatanungin sa posibilidad ng kanilang pagkakabalikan ay nagkakaisa ang mga ito sa pagsasabi na imposible nang mangyari pa ‘yun.

Kung gaano raw kasi kaganda ang kanilang pagsisimula ay naging masakit naman ang kanilang paghihiwalay. Nagkaroon sila nang matinding pagpapalitan ng salita ng panunumbat, sisihan at pintas sa isa’t isa.

‘Yun pala ang dahilan kung bakit matindi ang sama ng loob ng female personality, kung bakit marami siyang hugot, kung bakit patagilid siyang nagpaparinig sa kanyang ex-boyfriend.

Ayon sa aming mga impormante ay nainip na ang babae sa kauuwian ng kanilang relasyon. Mahilig kunong mangako ang guwapong male personality, lagi nitong binabanggit ang kasalan, pero wala namang kasiguruhan ‘yun.

“Wala pa sa kamalayan ng guy ang pagpapakasal, malayo pa sa utak niya ‘yun, palagi lang niyang ipina-ngangako ‘yun sa mga nagiging girlfriend niya, pero bulaklak na lang ng dila niya ‘yun.

“Marami pa siyang plano, wala ang kasalan du’n, matatagalan pa siguro bago siya magdala ng babae sa altar. Du’n nainip ang girl, tanong siya nang tanong, kaya ayun, nauwi sa wala ang relasyon nila,” madiing kuwento ng aming source.

Ang nakakaloka pa ay nalaman ng female personality na lahat pala silang nakarelasyon ng guwapong aktor ay pinaasa sa kasal. Lahat sila ay pinangakuan.

“E, alam n’yo naman ang babaeng ‘yun, masyado siyang emotional, hindi masyadong nag-iisip bago siya magsalita at mag-post ng feelings niya. Hindi lang niya madiretso, pero ang pangakong kasal ang naging dahilan ng hiwalayan nila.

“Idinadaan na lang niya ngayon sa puro hugot lines ang lahat, ‘yun na lang ang paraan niya ng pagmu-move on, sa totoo lang, Bradly Guevarra!” pagtatapos ng aming impormante.

Read more...