‘Horror Queen’ may sakit, nanghingi ng tulong

lilia cuntapay

HUMIHINGI ng tulong pinansiyal ang character actress at tinaguriang “horror queen” na si Lilia Cuntapay para ipangtustos sa pagpapagamot sa kanyang mga sakit.

Nakilala ang veteran actress (81 years old na ngayon) sa mga horror movies kung saan lagi siyang gumaganap na aswang o multo, partikular sa mga katatakutang pelikula ng Regal Films at iba pang indie movies.

Ayon sa ulat, naospital ang beterang aktres dahil sa problema niya sa spinal cord. Kumalat sa social media ang isang video message na in-upload ng Cagayan Provincial Information Office nitong Biyernes kung saan nakikiusap nga si Aling Lilia na sana’y tulungan siya ng kanyang mga kaibigan at kasamahan sa industriya.

Aniya, “Sa mga concerned citizens diyan, like yung mga directors ko, mga co-workers ko, wala na ako sa showbiz dahil may sakit ako.

“Andito po ako sa Pinili, Ilocos Norte. Kung mahal ninyo pa ako, any help will be appreciated.”
Ilang litrato rin ang ipinakalat sa Facebook kung saan makikita nakaupo sa wheelchair ang aktres.

Kasabay nito, naglabas din ng official statement ang Cagayan PIO para makatulong kay Aling Lilia, “Si Elma Daet, isang kagawad ng barangay Cabiraoan sa bayan ng Gonzaga ang tumawag sa Municipal Coordinator na si Analyn Turingan, at siyang humingi ng tulong para sa aktres na si Lilia Cuntapay. Sa kanyang tawag, agad na rumesponde ang grupo ng TLFC.

“Hindi na siya makalakad dahil sa sakit sa spinal cord. Sa panayam ng TLFC sa kanya, nagsimula ang sakit noong July 5 at mula noon ay nakaupo na lamang sapagkat hindi na makalakad. Nawalan na din siya ng mga proyekto at hanap-buhay dahil sa kanyang karamdaman matapos ang 39 years sa industriya.”

Maaaring makipag-ugnayan ang mga kasamahan at kaibigan ng aktres sa showbiz sa Facebook page ng Cagayan PIO. Kung hindi kami nagkakamali, huling napanood si Aling Lilia seryeng Forevermore ng ABS-CBN na pinagbidahan nina Liza Soberano at Enrique Gil.

Read more...