Sino ang nasa likod ng Communications Group ni Duterte?

HINDI pa opisyal na inihahayag ng Palasyo pero matapos ang isang buwang pagkakahirang bilang Presidential Spokesperson ay na-demote na si Secretary Ernesto Abella bilang Undersecretary dahil umano sa streamlining na ginagawa sa Communications Group at mga attached agencies nito.
Ikinagulat din ng ilang miyembro ng Malacanang Press Corps (MPC) ang pagkaka-demote ni Abella bagamat hindi pa ito opisyal na kinaklaro sa media dahil Secretary pa rin ang alam ng nakararami.

Sa ilalim ng bagong set-up, nasa ilalim na lamang ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar si Abella bagamat siya pa rin ang spokesperson.

Kasama ni Pangulong Duterte sina Andanar at Abella sa kanyang biyahe sa Mindanao kayat hindi pa sila kapwa nagbibigay ng pahayag sa ulat na streamlining at merger ng mga ahensiya.

Ang nakakaloka rito, may gustong magdikta sa ginagawang reorganisasyon ng ilang ahensiya nasa ilalim ng Communications Group.

Sa ginagawang merger at streamlining, gustong ipa-dissolve ng ilang opisyal ang mga epektibong nagtatrabaho para mapalaganap ang mga programa ni Pangulong Duterte.

Tinaasan ng kilay ng MPC ang balak ng mga namumuno sa NIB at PNA na tanggalin ang mga nagta-transcribe sa Pangulo at sa mga tagapasalita niya at ilipat sa PNA.

Sino kaya ang nakaisip nito at base sa reaksyon nina Andanar at Abella, kapwa hindi nila alam ang gustong gawin ng ilang bagong upong opisyal sa Malacanang?

Ang dapat tanggalin ay yung hindi nagde-deliver at hindi ang mga epektibong gumagawa ng kanilang trabaho.

Balitang isang bagong pasok mula sa isang dating TV station, na nasa PNA na ngayon ang nagsusulong sa weird na ideya na tanggalin ang mga transcriber ni Pangulong Duterte.

Kung gusto naman niyang magpasiklab, bakit hindi siya kumuha ng tao para mapaganda ang trabaho ng PNA at hindi ang mga epektibong nagtatrabaho ang gustong baguhin.

Gumaganda na ang relasyon sa pagitan ng media at ni Pangulong Duterte matapos naman siyang magpa-press conference kamakailan at nagpapaunlak na rin siya ng ambush interview. Ngayon pa ba guguluhin ng mga nagpa-power trip na ilang opisyal?

Sa kabilang dako, sinibak na pala ang EA ng isang Secretary na naunang napabalita na may kaangasan at kadaldalan.
Bagamat tinanggal bilang EA ni Secretary, inilipat ito sa ibang attached agency na nasa ilalim ng kanyang tanggapan.
Ngayong binigyan pa ng pagkakataon ang dating EA, naway hindi naman siya sa bagong tanggapan magkalat at tigilan na ang kaangasan at kadaldalan

Read more...