Si Cong na dating adik pikon-talo sa kapwa kongresista
ISANG mainit na usapin ngayon ang isyu ng droga lalo’t napaulat na may ilang pulitiko ang sangkot sa illegal drug trade.
May isang kongresista na ang umamin na dati siyang gumagamit ng illegal drugs at pinagsisisihan daw niya ito.
Pero may isang kongresista naman ang napikon nang minsang pag-usapan ng ilan sa kanyang mga kasamahan ang dati niyang bad habit.
Kilala ang pulitikong ito lalo na noong kanyang kabataan na isang dispalinghadong tao.
Batid ng karamihan sa Batasang Pambansa na dating “user” si Cong sa kabila ng kanyang mataas na pinag-aralan.
Pero dahil mula sa mayaman at ma-impluwensiyang pamilya kaya nalusutan lahat ni Cong ang mga kontrobersiya na kanyang sinabitan.
Sa isang kwentuhan ng mga kongresista sa lounge ng kongreso ay natanong si Cong kung ano ba ang pakiramdam ng sabog sa droga.
Hindi nagustuhan ng bida sa ating kwento ang pagtatanong ng kapwa mambabatas kaya agad siyang tumayo at nagmumurang umalis.
Sa loob ng kanyang opisina ipinagpatuloy ni Cong ang pagmumura na narinig ng kanyang mga staff.
Sinabi ng ating Cricket na umuusok sa galit ang ilong ni Cong noong mga oras na iyun.
Pasalamat daw yung nagtanong na mambabatas dahil medyo tamed na si Cong at kung ito daw ay nangyari noong “tumitira” pa ng droga ang ating bida ay malamang daw na nagkaroon ng barilan sa plenaryo.
Bukod kasi sa mga chicks ay mahilig ring mangolekta ng mga baril si Cong.
Noong mga nakalipas na taon ay ilang beses ding laman ng balita ang nasabing kongresista dahil sa panunutok at pagpapaputok ng kanyang baril.
Wala tayong masasabi ngayon sa performance ni Sir dahil sa totoo lang ay mahusay naman siyang mambabatas.
Ang Congressman na napikon nang minsang ungkatin ng ilan sa kanyang mga kasamahan ang dati niyang pagiging adik ay si Cong. R….as in Radikal.
Para sa komento o tanong, maaaring mag-email sa [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.