KAPAG nagkaigihan ang Pilipinas at China sa usapang diplomasya tungkol sa Scarborough Shoal, hindi na lalabas ang milyon-milyon nating mga kababayan upang magtrabaho.
Nagdesisyon kamakailan ang Permanent Tribunal on Arbitration sa Hague na sakop ng Pilipinas ang Scarborough Shoal pero ayaw bigyang parangal ng China ang ruling.
Yan ang dahilan ng diplomatic talks sa pagitan ng bansa, na pinamunuan ni dating Presidente Ramos, at ng China .
Kapag nagkataon, magiging economic tiger na ang bansa. Hindi na tayo magiging “basket case” o mistulang pulubi sa Asya.
Bagkus ay magiging “food basket” o panggagalingan ng mga pagkain tayo ng China dahil bibilhin nila ang ating mga gulay, saging, mangga, lanzones at iba pang mga tropical fruits, mga isda at seafood.
Ito ang nilarawan sa inyong lingkod ng dalawang malaking Mainland Chinese investors na dumalaw sa Maynila at umalis kahapon.
Kapag naresolba ang problema sa Scarborough, pauutangin tayo ng China ng pera na ipagpatayo ng railroad na magki-crisscross sa buong Mindanao at siyempre mga tren at malulutas natin ang problema sa trapik sa Metro Manila at Cebu sa pamamagitan ng pagpapatayo ng maraming skyways.
Ang dalawang Mainland Chinese investors ay naghahanap ng paraan na makausap si Pangulong Digong at iparating sa kanya na ayaw ding makapag-giyera ang China sa Pilipinas.
Nasabi kasi ng Presidente na ayaw niyang kalabanin ang China dahil sa Scarborough Shoal.
Malayo sa isipan ng mga liderato ng China ang makipag-giyera dahil marami itong domestic problems, ayon sa dalawang negosyanteng Tsino.
Sabi ng dalawa (na hindi ko muna pangangalanan sa ngayon), isa sa malaking problema ng China ay pagpapakain ng 1.3 bilyong populasyon.
Sabi nga dalawang investors, na well-connected sa mga matataas na opisyal ng China , gusto nilang mag-lease ng malawak na mga lupain sa Mindanao para tamnan ng mga pagkain at pagtayuan ng mga fishpond.
Nagli-lease o bumili na ng mga lupain ang China sa Middle East at Africa dahil sa lumalaking pangangailangan nila ng pagkain.
Pero mas gusto ng China ang Pilipinas na maging major economic partner dahil ang bansa ay dalawang oras lang sa eroplano sa pinakamalapit na probinsiya nito.
Kapag nagkaroon na ng mga pagawaan at opisina ang China sa bansa, maraming trabaho ang mabubuksan.
Hindi na kailangan na mangibang-bayan ang milyon-milyong Pinoy upang magtrabaho dahil sapat na ang mga trabahong maghihintay sa kanila dito.
Pero papaano malulutas ang kontrobersiya tungkol sa Scarborough , tinanong ko ang dalawang malalaking investors.
“Saving face is an Asian trait. Chinese and Filipinos don’t want to lose face. A solution will surely be found for the two countries to save face,” sabi ng isa sa dalawa na magaling magsalita ng Ingles.
Ibig sabihin, mabibigyan ng solusyon ang problema na hindi mawawalan ng dignidad o mapapahiya sa buong mundo ang magkabilang-panig.
Lumipad patungong Beijing and dalawa kahapon, pero sinabi nila na babalik sila kapag kakausapin sila ng mga Philippine officials at mga negosyante ng bansa ng gustong makipagsosyo sa kanila.
“Just give us a 24-hour notice,” sabi ng magaling magsalita ng Ingles.
May anomalya sa Land Transportation Office (LTO) sa Tagum City na kinasasangkutan ng “Tatlong Maria” at isang security guard.
Ang anomalya ay pagkokolekta ng P3,500 para sa non-professional o professional driver’s license.
Napupunta sa bulsa ng Tatlong Maria at security guard ang P2,000 at P1,500 lang para sa laminated driver’s license at mga fees.
Kahit daw mga “no read, no write” ay puwedeng kumuha ng lisensiya basta’t magbigay lang ng P3,500.
Kumokolekta raw ng P300,000 kada linggo ang mga kawatan sa LTO-Tagum at ito’y pinaghahati-hatian nila tuwing Biyernes.
Dapat ay imbestigahan ang ulat na ito ng bagong LTO chief na si retired police Chief Supt. Edgar Galvante.
Kilala ko itong si Galvante; hindi siya nangurakot noong nasa police service pa siya.