ANIM ang nasawi matapos magkaengkwentro ang mga pulis at armadong kalalakihan sa bahay ni Mayor Ronaldo Espinosa ng Albuera, Leyte, Miyerkules ng umaga.
Bukod sa mga napatay, narekober ng mga pulis sa pinangyarihan ang 13 high-powered firearms at apat na kalibre-.45 pistola, ayon sa inisyal na ulat ng Leyte provincial police.
Nakabakbakan ng mga elemento ng Albuera Police ang mga armado sa bahay ni Espinosa sa Sitio Tinago, Brgy. Binulho, dakong alas-5:30.
Naganap ang engkuwentro isang araw lang matapos sumuko ni Espinosa kay PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa para sa diumano’y kinalaman niya sa ilegal na droga.
Una rito’y binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Espinosa at ang anak niyang si Kerwin ng 24 oras para sumuko, kung ayaw maging target ng operasyon kung saan sila’y maaaring barilin kapag pumalag.
Bago iyon ay nakarekober naman ng milyun-milyon pisong halaga ng hinihinalang shabu sa bahay ni Espinosa.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga napatay sa engkuwentro.