KINUMPIRMA ng Department of Tourism (DOT) na sa Pilipinas na idadaos ang susunod na edisyon ng Miss Universe pageant.
Sa isang press briefing, sinabi ni Tourism Secretary Wanda Teo na nakatakdang ganapin ang patimpalak sa Mall of Asia Arena (MOA sa Enero 30, 2017 sa Pasay City.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya gagastos ng pera para sa pageant.
Idinagdag ni Teo na nagulat sila ni Miss Universe Pia Wurtzbach sa ulat kayat tinawagan niya si Executive Secretary Salvador Medialdea para hilingin na DOTC na ang magbigay ng pahayag.
Sinabi ni Teo na walang gagastusin ang gobyerno sa pageant, na tinatayang aabot sa $11 milyon dahil marami nang indibiduwal at mga kompanya ang nagpahayag ng interes na maging sponsor ng patimpalak.
Umuwi si Wurtzbach sa bansa noong Hulyo 18 para talakayin kay Duterte ang mga panukala na idaos sa Pilipinas ang pageant.
Huling ginanap ang Miss Universe sa bansa noong 1994, kung saan itinanghal si Sushmita Sen, ng India na panalo. Unang idinaos ang pageant sa Pilipinas noong 1974, kung saan ipinasa ni Margie Moran ang titulo kay Amparo Muñoz, ng Spain.
Si Binibining Pilipinas Universe Maxine Medina ang kakatawan sa Pilipinas sa darating na pageant. Inquirer.net