GAWA ng kaaway, ng demonyo, ang mga durugista’t tulak, at hindi ng Diyos. Hindi ito ang mabuting binhi na inihasik ng Panginoon. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Jer 7:1-11; Slm 84; Mt 13:24-30) sa ika-16 na linggo ng taon, kapistahan ng relihiyosang Santa Brigida.
Labing-tatlong bahay mula sa akin, nakaburol ang labi ng niratrat na durugista-tulak. Hindi nanghihinayang ang kanyang ina sa pagkamatay ng anak sa marahas na paraan. “Tigok na, di ba? (Ma)buti nga sa kanya. Pasaway yan.” Kung ang mismong ina ay hindi nanghihinayang sa pagkamatay ng anak, ang lipunan pa kaya na kanyang pininsala araw-gabi? Ang kanyang mga kapitbahay pa kaya na madalas na nabubulahaw sa kanyang pag-iingay at malakas na pagpapatugtog ng adik sounds sa oras ng pagtulog? Ang tao ay ginawang halimaw ng shabu sa hapis at hele ng noynoying.
Balikan ang Pagninilay sa Ebanghelyo. Iyan ang dahilan kung bakit ang pangkalahatang simbahang Katolika ay iniurong ang balak na ya-kagin ang naligaw na kabataan sa pagbabalik-loob sa Panginoong Hesukristo. Ang durugista’t tulak ay binhing inihasik ng demonyo sa matabang lupa kaya sila’y sumibol hanggang naging dambuhala. May dating paring Katoliko noong late ‘60s at early ‘70s na nagmisyon kontra adik. Habang nagmimisyon ay nag-asawa siya at umalis sa pagka-pari. Naghari ang demonyo.
Hindi ako makapaniwalang ayaw sisihin ni Digong sa kanyang SONA si Noynoy sa paglaganap ng shabu. Noong Hunyo 27 lang sa labas ng City Hall sa Davao City, mariin ang paninisi ni Duterte kay Aquino sa paglaganap ng katiwalian, kaya kulubot ang kanyang (Aquino) tuwid na daan. Sinabi ni Duterte na sa laganap na katiwalian sa termino ni Aquino, ang dilawang tropa niya ay isinulong ang kani-kanilang interes-politikal. Otravez.
Dismayado ako sa SONA ni Digong. Promdi nga si Digong dahil hindi niya kayang lutasin ang problema sa trapik sa Metro Manila. Ang trapik ay Mega Manila na at Metro Manila pa lang ang kanyang nasa isip at ibig pa niyang magkaroon ng legislated powers? Hoy Digong. Kung saan-saan ka kasi nakatingin. Nariyan lang si Bayani Fernando, enhinyero, na dinurog nina Aquino at Jejomar Binay dahil batang GMA. Di ba alam ni Digong na maraming sinimulang obras-publicas si BF na nariyan pa rin at pininturahan lang ng kulay hunyanggo?
Mula sa helicopter alas-8 ng umaga (nakaraang Lunes at Biyernes), tukod ang trapik sa mga tawid-kalye sa Metro Manila sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan. Sa instrumento, 1.8 kms ang pila sa San Pedro, Laguna papasok ng Muntinlupa; 2.1 kms Marcos Highway, Sumulong sa Rizal; Meycauayan (MacArthur), Bulacan, 1.9 kms; Tungko (SJDM, Bul) hanggang Lagro, 1.8 kms; Cavite, 2.9 kms, Bacoor-Las Pinas (old highway). Kapag walang solusyon sa trapik sa Mega Manila, wala ring solusyon sa Metro Manila.
Dismayado ako sa SONA ni Digong. Hindi niya binigwasan ang mga mambabatas sa Kamara, at mahigit 10 sa kanila ay nakinabang sa shabu money. Ayon sa malalaking negosyante at SWS, ang Kamara ang “most corrupt.” Di ko alam ang salin ng “most corrupt” sa Davao City. Pero sa amin sa Santa Rosa 1, Marilao, Bulacan, ang “most corrupt” ay tulisang kawatan at sila’y inihalal ng taumbayang tanga at nakinabang na rin sa dambong.
MULA sa bayan (0916-5401958): Tumawag ako sa telepono ng DA para itanong kung bakit tumaas ng P50 ang presyo ng kilo ng luya. Paliguy-ligoy ang sagot. Yuna pala, di nila alam kung bakit. Estrella, talipapa, Paso de Blas, Val …6711.