Mga Laro Ngayon
(De La Salle Lipa Sentrum)
3 p.m. Amy’s vs Cignal
5 p.m. Foton vs RC Cola-Army
7 p.m. F2 Logistics vs Petron
PILIT pananatiliin ng F2 Logistics Cargo Movers ang malinis na kartada sa muli nitong pakikipagharap sa nagtatanggol na kampeong Petron Tri-Activ sa ikalawang ikot ng 2016 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference women’s volleyball tournament ngayon sa De La Salle Lipa Sentrum sa Lipa City, Batangas.
Una munang magsasagupa ang nasa ikalawang grupo sa ranking round na Amy’s at Cignal sa alas-3 ng hapon bago sundan ganap na alas-5 ng hapon ng pilit babangon sa kabiguan na RC Cola-Army sa pagsagupa nito sa kapwa nasa unang grupo na Foton Tornadoes.
Asam naman ng Cargo Movers ang ikalawang sunod na panalo sa classification round sa ganap na alas-7 ng gabi kontra Tri-Activ sa tampok na ikatlong laro.
Patuloy na nagpapamalas ang F2 Logistics bilang team-to-beat sa pagpapakita nito ng matinding kalidad ng laro sa pagwalis sa lahat ng laban nito sa eliminasyon tampok ang nakakagulat na limang set na panalo kontra RC Cola-Army na sinundan nito ng tatlong set na panalo sa Lady Troopers sa pagsisimula ng ikalawang round.
Dahil sa panalo ay agad nakamit ng Cargo Movers ang bentahe sa ikalawang round bagaman kailangan pa rin nitong magwagi kontra Petron at Foton upang makamit ang pagiging top seed sa sudden-death semifinals.
Gayunman, hindi iniisip ni F2 Logistics coach Ramil de Jesus anuman ang kanilang ranking sa semifinals.
“That win (over RC Cola-Army) doesn’t mean a thing. The real battle is in the semifinals and the finals,” sabi ni De Jesus, na matatandaang binitbit ang La Salle sa korona ng UAAP women’s volleyball.
“We have to sustain our momentum and be consistent. We’re now in the second round and everybody is out to beat us. We can’t afford to relax. We have to be at our best all the time.”