Sulutan ng mga magagaling na broadcaster

MASAMA ang loob ng isang sikat na mediaman dahil pakiramdam niya ay para siyang basurang itinapon ng kanyang pinaglingkurang media entity sa loob nang mahigit sa dalawang dekada.

Ang akala kasi ni Mr. Mediaman ay may babalikan pa siyang career makaraan siyang makipagsapalaran sa larangan ng politika.

Hindi siya binuwenas sa nakaraang halaan kaya handa na siyang bumalik sa kanyang mahal na trabaho pero bigla siyang pinagsarahan ng pinto ng kanyang dating pinaglilingkurang media outlet.

Iyong dati niyang iniwan na pwesto ay nasulot na pala ng isa namang mediaman na kamakailan lang ay sinibak mula sa isang malaking broadcasting company.

Sinabi ng ating Cricket na noong sibakin sa trabaho ang feelingerong magaling na broadcaster ay kinuha siya ni Mr. Mediaman sa kanilang himpilan.

Binigyan niya ulit ito nang pagkakataong makabawi sa kanyang nagkawindang-windang na career sa media.

Kahit papaano ay nakabangon naman at nabigyan pa ng magandang posisyon si Mr. Broadcaster.

Pero kahit na maganda ang kanyang pwesto ay may ambisyon pala ito sa mas mataas na posisyon kaya nang kumandidato si Mr. Mediaman ay nakakuha ito ng tiyempo.

Noong una ay panay ang kanyang papuri kay Mr. Mediaman pero iba naman pala ang ginagawa nito kapag nakatalikod na ang taong nagbigay sa kanya ng magandang break.

Sinabi ng ating Cricket na puro paninira ang ginagawa nito hanggang sa mga matataas na opisyal ng kanilang kumpanya.

Pilit na kinaibigan ni Mr. Brodkaster ang ilang mga “makapangyarihang nilalang” sa kanilang kumpanya hanggang sa magapang niya ang posisyon na inaambisyon.

Bagama’t dismayado ang ilan sa kanilang mga kasamahan ay wala naman silang magawa dahil matatag na ngayon ang pwesto ni Mr. Broadcaster.

Kahit na naaawa sila kay Mr. Mediaman ay hanggang awa at pakikiramay na lamang muna ang maibibigay nila sa dati nilang boss.

Ayon sa ating Cricket, maghahanda ng legal move si Mr. Mediaman para mabigyan ng hustisya ang ginawang pagtalikod at pambabastos sa kanya ng dati niyang itinaguyod na kumpanya.

Ang Mediaman na hindi na pinabalik sa kanyang pwesto sa kumpanya na dati niyang tinulungang umunlad ay si Mister….kilala nyo na yun.

Ang nanulot naman sa kanyang pwesto na kilala sa paggawa ng mga scenario noong nasa kabilang himpilan pa ay si Mr. A….as in Alice in Wonderland.

Read more...