Return of the comeback ni GMA

NATULOY na ang matagal ng ugong na makalalaya na si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo mula sa pagkaka-hospital arrest.

Ibinasura ng Korte Suprema ang kasong plunder ni Arroyo at nakalabas na ito matapos na makakuha ng kopya ng desisyon na na-delay ang paglabas.

Kahapon ay nakabalik na si Arroyo sa Kamara de Representantes kung saan siya magtatrabaho bilang mambabatas at kung saan siyam na beses siyang nag-SONA (State of the Nation Address).

Siya ay bahagi ng House majority bloc matapos na makipagkoalisyon ang partido niyang Lakas-Christian Muslim Democrats sa PDP-Laban na pinamumunuan ni Pangulong Duterte at House Speaker Pantaleon Alvarez.

At kasama ni Arroyo sa koalisyon ang mga partido, grupo at personalidad na naging kritiko ng kanyang administrasyon na noong umpisa ng pag-upo niya sa Malacanang ay nasa kanya ring panig.

Nang pababain si dating Pangulong Joseph Estrada (ngayon ay nasa ikalawang termino na bilang mayor ng Maynila) sa Malacañang noong 2001, kasama ni Arroyo ang mga militanteng grupo (ilan sa kanila ay naging kongresista) at ang nakararaming political party.

Pinagkaisahan nila si Estrada na bumaba sa puwesto.

Noong 2016 elections, ang mga militanteng grupo ay sumama sa presidential bid ni Sen. Grace Poe na mabango at mataas ang popularidad noong unang yugto ng kampanya.

Ipinagtanggol pa nila si Poe laban sa kinakaharap nitong disqualification case.

Pero nang magdesisyong tumakbo si noon ay Davao City Mayor Rodrigo Duterte at tumaas ang kanyang rating, may mga nagsasabi na kumalas, bagamat hindi hayagan, ang mga militante kay Poe at lumipat sa ating naging pangulo.

Mayroon kasing koneksyon ang mga militante at si Duterte kaya naman hindi na nagtaka ang marami ng isa sa kanyang mga naging unang polisiya ay ang pakikipag-usap ng gobyerno sa komunistang grupo (na tama naman sa akin pananaw).

Matapos ang mahabang kasaysayan ng pagbabatikos kay Arroyo at sa gobyerno nito, kasama nila (militante) ito ngayon sa grupo ni Duterte.

Ang hindi ko alam ay kung magagawa nilang magsama-sama sa iisang kuwarto as in yung nagkukuwentuhan na parang walang nakaraan.

Awkward.

Hayaan na natin yung ibang politiko na wala ng ginawa kundi tumalon-talon ng grupo. Sumasama kung saan sila makikinabang gamit ang paniniwalang isinisiksik sa atin na ginagawa nila ito “para sa bayan.”

Mukhang hindi yata makakatagal ang isang ama na beterano na sa pulitiko, na wala siyang puwesto.
Nang matalo kasi noong Mayo, nang matiyak niya sa kanyang sarili na wala na siyang pag-asa na lumamang pa sa kanyang kalaban, ay agad pala itong lumipad sa Davao City upang magparamdam.

Gusto niyang humirit ng puwesto para siguro hindi siya mabakante. At mukhang pinalabas pa niya na sinuportahan niya si Duterte para magkaroon siya ng matibay-tibay na sandigan.

Kaya lang nabuko itong si sir. Hindi naman si Duterte kundi ang katunggali nito ang kanyang sinuportahan.

Ikaw sir ha, habang wala sa pulitika ay relax-relax lang muna. Ayaw mo bang magaya sa mga dati mong amo na nawala na ang kinang sa pulitika kaya ka nagkakaganyan?

Baka naman kulang sa suklay ang bigote mo kaya inaalat ka.

Read more...