SA kabila ng kaliwa’t kanang pagbatikos ng mga human rights at religious groups hinggil sa extra judicial killing at paglabag sa karapatang pantao, nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi ito titigil sa kampanya laban sa ilegal na droga.
“There will not be a let-up in this campaign against illegal drugs. We will not stop until the last drug lord, the last financier, or the last pusher is put behind bars or below the ground if they so wish,” ayon kay Duterte sa kauna-unahan niyang State of the Nation Address (Sona) kahapon na tumagal nang mahigit sa isa’t kalahating oras.
Sakabila nito, sinabi niya na bibigyan niya ng proteksyon ang karapatang pantao.
Nangaral pa ito tungkol sa human rights.
“Human rights must work to uplift human dignity; but human rights cannot be used as a shield or an excuse to destroy the country,” pahayag nito.
Muli rin niyang ibinigay ang assurance ng kanyang suporta sa pulisya at iba pang ahensiya kontra sa droga.
Habang tinutugis ang mga tulak, drug dealers, prayoridad rin anya ng kanyang gobyerno ang pagrerehabilitate ng mga drug users.
‘Endo’ dedma
Umani rin ng malakas na palakpak ang pangulo nang sabihin niya na ibaba niya ang corporate at personal income tax.
“We will lower corporate and personal income tax and relax the bank secrecy law,” ayon sa pangulo.
Isa ang pagpapababa sa income tax sa mga pangakong binitiwan ni Duterte noong panahon ng kampanya, kabilang na ang pagbasura sa kontrobersyal na isyu ng kontraktuwalisasyon at “endo”, na hindi man lamang nabanggit sa halos dalawang oras na Sona.
‘Not vindictive’
Sa panimula pa lang ng kanyang talumpati, nag-abiso na agad ang pangulo na hindi niya gawi ang manuro at manisi.
Hindi rin anya siya benggador o mapaghiganti, subalit nangako siya na hindi makaliligtas sa batas ang mga taong sumira ng tiwala ng bayan.
“Those who betrayed people’s trust shall not go unpunished; they will have their day in court,” pahayag nito na wala namang pinatutungkulan.
‘Abusado, lagot’
Nagbanta naman si Duterte na may paglalagyan ang mga opisyal na nang-aabuso ng kanilang kapangyarihan.
Kasabay nito iniuto na niya sa National Police Commission (NAPOLCOM) na pabilisin ang imbestigasyon laban sa mga opisyal na sangkot sa mga ilegal na gawain, at magsagawa ng lifestyle check sa PNP.
Ilan pa sa kanyang mga alituntunin:
Pagmomonitor ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan na hindi gumagawa ng kanilang trabaho
Pagpapalakas sa ROTC program sa bansa.
Pagsusulong ng kapakanan ng mga mamamayan, partikular sa larangan ng kalusugan, sapat na pagkain at pabahay, pangangalaga sa kalikasan at respeto sa kultura.
Paglipol sa Abu Sayyaf
Pagpapalakas sa kapabilidad ng Armed Forces para labanan ang kriminalidad; pagpapalakas ng koordinasyon sa Indonesia at Malaysia para matigil ang mga pagdukot sa mga karagatan at kalapit na mga bansa.
Pagpapalakas ng mga program kontra terorismo at cybercrime.
Pagbibigay prayoridad sa climate change, maritime security at counter-terrorism.
Sinabi pa ni Duterte na malaki ang kontribusyon ng naging desisyon ng United Nations (UN) Permanent Court of Arbitration para maisulong ang mapayapang resolusyon sa isyu ng West Philippine Sea.
Nangako rin si Duterte na paglipas ng anim na taon o sandaling bumaba na siya sa pwesto ay makikita ang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Kabilang dito ang pagtiyak na magkakaroon ng sapat na kita ang mga Pinoy para matustusan ang kaning pangangailangan sa pagkain at iba pang pangangailangan.
Sinabi pa ni Duterte na patuloy na mang-aakit ang kanyang administrasyon ng mga mamumuhunan na magbibigay ng libo-libong trabaho.
Paiigtingin ang implementasyon ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Law upang saganon ay mabig-yan ng pagkakataon ang mga mag-asawa na planuhin ang bilang ng kanilang magiging mga anak.
Reporma sa pagnenegosyo para makaakit sa mga mamumuhunan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga programa para sa mga small at medium entrepreneurs.
Pagpapatayo ng mas maraming kalye para mapaunlad pa ang turismo sa bansa.
Modernisasyon sa agrikultura; pagpapatupad ng mga batas kaugnay ng pangingisda.
Imprastraktura gaya ng mga tulay at kalsada gagastusan.
Structural mitigation measures para matigil ang walang humpay na pagbaha sa Metro Manila.
Isusulong ang operasyon ng Pasig River Ferry Service System bilang alternatiba sa trapik sa kamaynilaan.
Pagsulong sa kampanya kontra kolorum at pagbaklas sa mga ilegal na terminal sa Metro Manila; kasabay ang paghingi ng emergency power para masolusyunan ang krisis sa trapik sa bansa.
Sa dakong huli ay siniguro ni Duterte na ang kanyang gobyerno ay magiging malinis, kasabay ang pagsusulong sa federal system.