Arellano Braves kakapit sa solo lead ng NCAA juniors basketball

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
9 a.m. Letran vs Perpetual
10:45 a.m. San Sebastian vs San Beda
12:30 p.m. St. Benildevs JRU
2:15 p.m. EAC vs Mapua
4 p.m. LPU vs Arellano
Team Standings: Arellano (6-0); San Beda (5-0); Mapua (4-1); CSB-LSGH (3-3); Letran (3-3); Perpetual Help (3-3); LPU (3-3); JRU (2-4); EAC (0-6); San Sebastian (0-6)

MANATILI sa solong liderato ang pakay ng Arellano University sa pagsagupa nito sa Lyceum of the Philippines University habang pilit kakapit sa unahan ang San Beda College kontra San Sebastian College ngayon sa 92nd NCAA juniors basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Sinolo ng Braves ang liderato matapos magwagi sa Mapua Robins, 83-74, nitong nakaraang linggo na itataya nito sa pagsagupa sa Junior Pirates, na mayroong 3-3 karta, sa ganap na alas-4 ng hapon.

Aasahan muli ng Arellano sina Guillmer dela Torre, na may team-best 18.5 puntos habang mayroon din ito na 6.2 rebounds, 2.7 assists at 1.5 steals kada laro, at Aaron Fermin, na nagtatala ng 10.8 puntos, league-high 10.5 rebounds at 1.5 blocks kada laro.

Kaya naman nais ni Arellano coach Tyler Darjuan na manatili ang dalawang manlalaro sa pagiging agresibo.

“We have to be consistently aggressive in what we do, may it be in offense or defense because that will help the team in a long way,” sabi ni Darjuan, na hangad mauwi ang titulo ngayong taon matapos na kapusin ng isang laro upang hubaran ng korona ang seven-peat titlist na San Beda nitong nakaraang taon.

Tangka naman ng Red Cubs ang ikaanim na sunod na panalo sa pagsagupa sa San Sebastian Staglets na patuloy na hinahanap ang kanilang unang panalo matapos mabigo sa anim na sunod na laro sa alas-10:45 ng umaga.

Maghaharap din ang Letran (3-3) kontra University of Perpetual Help (3-3) sa alas-9 ng umaga, College of St. Benilde (3-3) laban sa Jose Rizal University (2-4) ganap na alas-12:30 ng hapon at ang Emilio Aguinaldo College (0-6) kontra Mapua (4-1) sa alas-2:15 ng hapon.

Read more...