IBINUHOS ng 28th seed Philippine national youth team ang matinding ngitngit sa nalasap nitong unang pagkatalo sa 2016 FIBA Asia Under-18 Men’s Championship matapos biguin ang 62nd seed Iraq, 96-79, kamakalawa ng gabi sa Twelve Thousand People Sport Hall-Azadi Sport Complex sa Tehran, Iran.
Dahil sa panalo ay umangat ang Batang Gilas sa 1-1 karta sa Group A at nakabawi mula sa 74-88 pagkatalo sa 28th seed Taiwan noong Biyernes ng gabi para manatili sa kontensyon sa quarterfinals ng 12-bansa, 10-araw na torneo na tatagal hanggang Hulyo 31.
Nanguna si team captain Jolo Mendoza sa itinalang 25 puntos tampok ang 7-of-14 3-point shooting habang nag-ambag si Joshua Sinclair ng 21 puntos at 12 rebounds. Tumulong din si JV Gallego na may 12 puntos at Fran Yu na may 10 puntos.
Naghulog ng back-to-back basket si Mendoza at isa pa kay Gian Mamuyac na nagtulak sa Pilipinas sa pinakamalaki nitong abante sa 27 puntos sa ikaapat na yugto, 87-60, matapos agad na diktahan ang laban sa 26-17 iskor sa opening quarter bago itinala ang 56-39 abante sa halftime.
Nakikipagbuno pa ang Batang Gilas para sa third preliminary round game nito sa alas-4 ng hapon kahapon (alas-7 ng gabi, PH time) sa 11-time champion at 12th seed China, na galing sa pagwawagi kontra Iraq (93-28) at 52nd seed India (106-66).