Hindi na matutuloy ang pagtakbo ng mga kaalyado ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III upang makuha ang liderato ng minorya sa Kamara de Representantes.
Sa halip na tumakbo si Quezon City Rep. Sonny Belmonte Jr., siya at ang kanyang grupo ay aanib na lamang sa House majority bloc.
Nakatakda ang pagpirma ng kasunduan sa pagitan ng Liberal Party at PDP-Laban ni Pangulong Duterte kagabi.
Sinabi ni Quezon City Rep. Winston Castelo na pinal na ang pagsanib ng LP sa mayorya bagamat taliwas ito sa sinabi ni Belmonte noong nakaraang linggo.
Ayon kay Castelo isinaalang-alang sa desisyon ang posisyon ni Aquino na umanib sila sa mayorya.
Inamin naman ni Castelo na mayroong mga miyembro ng LP na natatakot sa kanilang sasapitin sa 2019 elections kung kalaban nila ang Malacanang.
Isa rin umanong isyu ang mga kaanib nila na taga-Mindanao na gustong suportahan si Duterte na kauna-unahang Mindanaoan president.
“Third i think is, most of us would really like to totally support the mandate of the president. As you all know, he got 40% ng mandate ng electorate and pangalawa, recently, nakakuha siya ng 90% ng acceptance. So napakataas po,” dagdag pa ni Castelo.
Pero hindi naman madadala ni Belmonte ang buong LP sa mayorya.
Sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman na tuloy ang pagiging minorya niya at ng kanyang mga kasama na hindi niya pinangalanan sa kabila ng desisyon ni Belmonte.
The withdrawal of Rep. Sonny Belmonte of his bid to lead LP as minority leader has not deterred this group in fighting the sinister scheme of the supermajority of anointing and electing a majority’s “minority leader”,” ani Lagman.
Ayon kay Lagman mayroong mga independent na gustong bumuo sa totoong minority bloc.
Nauna ng inakusahan ni Lagman ang mayorya na niloloto ang pagiging minority leader ni Quezon Rep. Danilo Suarez, kaalyado ni dating Vice Presidente Jejomar Binay.
30
MOST READ
LATEST STORIES