KABIGUAN ang sumalubong sa Philippine national youth basketball team o kilala bilang Batang Gilas sa 2016 FIBA Asia Under-18 Championship matapos itong biguin ng Chinese Taipei, 88-74, Biyernes ng gabi (Sabado ng madaling araw sa Pilipinas) sa Azadi Basketball Hall sa Tehran, Iran.
Pinamunuan ni Jonas Tibayan ang mga Pilipino sa tinipong 15 puntos subalit wala nang iba pang Batang Gilas ang nagtala ng double digit mark. Si Rendell Lee at JV Gallego ay kapwa may siyam na puntos habang si John Bryle Bahio ay may walong puntos at walong rebounds.
Si Fran Yu at team captain Jolo Mendoza ay kapwa nagtala ng pitong puntos habang si Joshua Sinclair ay may anim na puntos at siyam na rebounds.
Matapos ang mahigpitang unang yugto, nagulantang ang Batang Gilas matapos na rumagasa ang Chinese Taipei para dominahin ang natitirang tatlong yugto para iuwi ang panalo.
Umalagwa ang mga Taiwanese mula sa dikit na 19-18 abante upang palobohin sa 40-20 iskor sa loob ng limang minuto sa ikalawang yugto bago iniwanan ang Batang Gilas na naghahabol sa 20 puntos sa first half, 49-29.
Naghabol pa ang Batang Gilas matapos na mapag-iwanan sa pinakamalaking 25 puntos sa ikaapat na yugto kung saan naibaba nito ang iskor sa 71-83 subalit kinapos sa natitirang 3:07 ng laro.
Sunod na makakasagupa ng Pilipinas ang Iraq nitong Sabado ng gabi.
Asam ng Batang Gilas na maabot ang unang tatlong puwesto upang makapagkuwalikipika sa FIBA World Under-19 Championship sa susunod na taon.