Mga Laro sa Lunes
(Filoil Flying V Centre)
9 a.m. Letran vs Perpetual (jrs)
10:45 a.m. San Sebastian vs San Beda (jrs)
12:30 p.m. St. Benilde vs Jose Rizal (jrs)
2:15 p.m. EAC vs Mapua (jrs)
4 p.m. LPU vs Arellano (jrs)
IPINAGPATULOY ng San Beda College Red Lions ang dominasyon sa NCAA Season 92 men’s basketball tournament matapos tambakan ang Arellano University Chiefs, 101-86, kahapon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Bumangon ang Red Lions mula sa 22 puntos na paghahabol, 36-14, sa ikalawang yugto bago nagawang maagaw ang kalamangan mula sa Chiefs sa ikaapat na yugto sa pangunguna nina Davon Potts at Donald Tankoua.
Kinamada ni Potts ang 11 sa kanyang 31 puntos sa ikaapat na yugto mula sa 12-of-18 field goal shooting habang ginawa ni Tankoua ang 15 sa kanyang 28 puntos sa ikatlong yugto maliban pa sa pagtala ng 14 rebounds at dalawang blocks.
Nanatili ang San Beda na nagsosolo sa itaas sa tangang 6-0 record.
Sa unang laro, nagsagawa ang University of Perpetual Help Altas ng matinding ratsada para payukuin ang Letran Knights, 61-55.
Binuhat ni Bright Akhuetie ang Altas sa panalo sa pagtala ng 21 puntos, 16 rebounds, tatlong blocks at dalawang assists.
Nag-ambag si Gab Dagangon ng 14 puntos at pitong rebounds para sa Perpetual Help na nakuha ang ikatlong panalo sa limang laro.
Nakabangon naman ang Mapua Cardinals buhat sa unang pagkatalo matapos pataubin ang San Sebastian College Stags, 88-75, sa ikalawang laro.
Si Exeqiel Biteng ang bumida para sa Cardinals sa ginawang 19 puntos at apat na assists.