Solo lead pag-aagawan ng RC Cola-Army, F2 Logistics

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
2:30 p.m. Amy’s vs Cignal
4:30 p.m. Petron vs Standard Insurance-Navy
6:30 p.m. RC Cola-Army vs F2 Logistics
Team Standings: RC Cola-Army (6-0); F2 Logistics (6-0); Petron (4-2); Foton (4-3); Standard Insurance-Navy (2-4); Generika (2-5); Cignal (1-5); Amy’s (0-6)

ISA lamang ang makakapag-uwi ng solo liderato at mapapanatili ang malinis na kartada sa salpukan ng RC Cola-Army at F2 Logistics sa 2016 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference women’s volleyball tournament ngayong gabi sa The Arena sa San Juan City.

Una munang magsasagupa sa ganap na alas-2:30 ng hapon na opening game ang Amy’s Perpetual kontra Cignal HD Spikers bago sundan ng salpukan sa pagitan ng nagtatanggol na kampeong Petron Tri-Activ kontra sa Standard Insurance-Navy sa alas-4:30 ng hapon na second game.

Ikatlo at pinakahuling laro ang sagupaan ng RC Cola-Army at F2 Logistics ganap na alas-6:30 ng gabi.

Mistulang paunang laban sa napipintong salpukan sa kampeonato ang sagupaan ng Lady Troopers at Cargo Movers na kapwa bitbit ang malinis na 6-0 panalo-talong kartada na inaasahang kapwa ipaglalaban ang prestihiyo at estado bilang pinakamahusay na koponan sa bansa.

Asam naman ng Amy’s ang una nitong panalo sa pagsagupa sa Cignal habang pilit na kakapit sa ikatlong puwesto ang tatlong beses naging kampeon na Petron sa pagharap sa Standard Insurance-Navy.

Bagaman kumpleto na ang bubuo sa Final Four na RC Cola-Army, F2 Logistics, Petron at Foton, inaabangan pa rin kung sino sa Lady Troopers at Cargo Movers kung sino ang ookupa sa unang silya sa ikalawang round.

Matapos ang single round robin, idedetermina muli base sa ranking ang semifinal pairings kung saan ang matitira ang makakasungkit ng tiket sa best-of-three finals showdown.

Ang huling apat na koponan na Standard Insurance-Navy, Generika, Cignal at Amy’s ay sasabak din sa single-round robin na loser’s bracket para madetermina kung sino ang ookupa sa ikalima hanggang ikawalong puwesto.

Read more...