HALOS dalawang linggo na rin ang nakalipas nang tuluyang maglaho ang pangarap ng Pilipinas na makasali ang paborito nitong koponan sa basketball, ang Gilas Pilipinas, sa nalalapit na Rio Olympics.
Talunan ang grupo sa Fiba Olympic qualifying tournament. Una silang tinalo ng France na siyang nasa ikalimang pwesto sa Fiba standing; at ng New Zealand, na siyang tuluyang nagpauwi sa Gilas nang luhaan.
At ngayong tapos na nga at wala na talagang pag-asa pang makapaglaro ang koponan sa darating na olympics sa Rio de Janeiro sa Brasil, ang tanong ay kung kakayanin pa nga ba ng bansa na makapagpadala ng basketball team sa susunod na olympics.
Walang duda, punung-puno ng puso ang mga manlalaro nang makipagtunggali sa bigating France at New Zealand.
Hindi masama na puso ang pinaiiral sa bawat laban.
Sa katotohanan, malaking aspeto ito para maitawid at maipanalo ang laban dahil ito ang nagbibigay o nagpapataas ng morale sa anumang koponan.
Iyon nga lang, hindi maikukubli ang maraming kakulangan ng ating natalong koponan sa pagharap sa mga higit na malalakas na bansa na bukod sa well trained ay inayudahan pa ng galing at experience ng mga malalaking players sa National Basketball Association.
Siguro ay dapat na ngang simulan ang pag-aamyenda hindi lang ng basketball program kundi ang sektor mismo ng palakasan.
Isang matagal at malinaw na problemang kinakaharap ng sports ay ang pagdadamot ng ilang commercial team sa Philippine Basketabll Association at ilang unibersidad na magpahiram ng kanilang mga magagaling na manlalaro.
Mas iniisip at binibigyang pahalaga ang interes ng negosyo kesa sa karangalan ng bansa!
Sabagay, business is business nga naman.
Sabi nga sa pelikulang Heneral Luna: “Mamili ka, bayan o sarili?”.
Ano nga ba ang maidudulot ng bayan? Pera muna!
Noong 1972 pa nang huling nakatapak sa Olympic stage ang Philippine basketball team, at nakalulungkot isipin na sa paglipas ng halos 44 na taon ay hindi pa natin magawang makabalik sa prestihiyosong palaro, sa kabila ng pag-usbong ng maraming magagaling na atleta.
Bukod sa kulang sa preparasyon dahil hindi sapat ang pondo para maayudahan ang teknikal at mas komprehensibong pagsasanay tulad ng mga tuneup games sa higher-ranking countries sa FIBA, malaking isyu rin ang pamumulitika rito.
Nakakahiya pa nga dahil mas malaking pondo ang ibinibigay ng pribadong sektor para sa pagsasanay ng mga atleta kaysa sa pondong inilalaan ng gobyerno.
Kung bibigyan lang ng sapat na atensiyon ng pamahalaan ang sports, tiyak na madadagdagan ang kaalaman, husay at galing ng national team sa mga bagong taktika at gameplays na kanilang mai-aaplay sa mga international events at makapagpapataas pa ng basketball IQ.
Isa pang punto ay kung bakit handang gugulan ng napakalaking halaga ng mga koponan ang pag-naturalized sa mga player mula sa ibang bansa para lang makapaglaro sa ngalan ng Pilipinas?
Maraming may potensyal na Pinoy na manlalaro na handang magsakripisyo at maglaro para sa bayan.
Kung ang pondo na ibinabayad para sa mga naturalized player ay ituon o idagdag na lamang sa kabuuang pondo ng koponan ay baka mas maganda pa ang kahinatnan nito.
Kaya nga talagang hindi puro puso lang para makarating tayo sa Olympics.