INARESTO ng mga miyembro ng Customs police ang isang babaeng Chinese sa Mactan Cebu International Airport matapos makumpiska sa kanya ang mahigit apat na kilo ng shabu bago makapananghali, kahapon.
Dinala si Zhou Liming, 27, sa loob ng Customs Office ng MCIA kung saan siya sumailalim sa interogasyon.
Dumating siya mula sa Xiamen, China, ganap na alas-11:30 ng umaga sakay ng isang Cathay Pacific flight na may dalang isang light blue trolley bag.
Nang nakapila na ang mga pasahero sa X-ray machine sa arrival area, napansin ni Olibert Estillore, K-9 officer ng Philippine Drug Enforcement Agency na hindi mapakali at pabalik-balik si Zhou sa CR.
Nang siya na ang dadaan sa X-ray, napansin ng machine operator na si Haron Paragona, ng Bureau of Customs, ang maraming pakete sa loob ng kanyang light blue trolley bag.
Sinabihan si Zhou na tumabi habang iniispeksyon ng mga personnel ng Customs na sina Ronor Alinsug at Albert Barliso ang kanyang bag at natagpuan ang maraming damit sa loob.
Nadiskubre naman nina Alinsug at Barliso ang isang makintab na plywood na nagsilbing compartment ng kanyang bagahe.
Natagpuan sa ilalim ang mga pakete ng shabu na aabot sa 4.5 kilo na ayon sa PDEA ay aabot sa P6 milyon.
Base sa kanyang pasaporte, tatlong beses nang nakabalik si Zhou sa Pilipinas.
4.5 kilo ng shabu nakumpiska sa isang Chinese sa Mactan-Cebu airport
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...