Panibagong plunder naka-amba kay GMA

gma2
Hindi pa man nakakalabas ng ospital kung saan siya nakakulong, isang bagong plunder case ang pinag-aaralan ng Office of the Ombudsman na isampa laban kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
     Sa isang press conference, sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na ang bagong kaso ay nasa preliminary stage na o sinusuri na kung mayroong sapat na batayan para isampa ito sa Sandiganbayan.
      Sinabi ni Morales na ang kaso ay kaugnay rin ng paggamit ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
     “If, after preliminary investigation, we believe that there was probable cause, then we will certainly hale her [Arroyo] to court,” ani Morales na nadismaya sa desisyon ng SC na absuweltuhin si Arroyo dahil sa kakulangan ng ebidensya.
     Hindi umano lalabag sa batas kaugnay ng double jeopardy ang bagong kaso dahil ang saklaw nito ay ang taong 2004 hanggang 2007.
     Ang kaso kung saan inabsuwelto si Arroyo ay kaugnay ng iregularidad umano sa paggamit ng P366 milyong confidential and intelligence fund mula 2008 hanggang 2010.
     Hindi naman matandaan ni Morales kung magkano ang halagang pinag-uusapan sa ikalawang kaso.
     Para pumasok sa plunder kailangan na umabot ang sangkot na pondo ng gobyerno sa P50 milyon.
     Hinihintay ng Ombudsman ang kopya ng desisyon ng SC upang malaman kung magsasampa pa sila ng Motion for Reconsideration o hindi na.
    Iginiit naman ni Morales na malakas ang kanilang naging ebidensya sa unang kaso at pinatunayan umano ito ng mga desisyong inilabas ng Sandiganbayan.
     “We were able to present strong evidence consisting of 600-plus pieces of evidence… and testimonies of so many witness reflected in 43 stenographic transcripts,” ani Morales. “To us, these are exhaustive records which reflect that the prosecution was able to prove without reasonable doubt the guilt of the accused.”
     Ibinasura ng Sandiganbayan ang mosyon ni Arroyo na makapagpiyansa dahil mayroon umanong sapat na ebidensya sa kaso.

Read more...