HDO vs Gatchalian, Pichay ipinalabas

Win-Gatchalian
Nagpalabas ng hold departure order ang Sandiganbayan Fourth Division laban kay Sen. Sherwin Gatchalian, Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay at iba pang akusado kaugnay ng maanomalya umanong pagbili ng Local Water Utilities Administration ng luging bangko noong 2009.
     Ipinadala ng korte ang kopya ng HDO sa Bureau of Immigration upang hindi makalabas ng bansa ang mga ito maliban na lamang kung papayagan ng korte.
     Bukod sa dalawa kasama sa kaso ang mga dating opisyal ng LWUA na sina Eduardo Bangayan, Aurelio Puentevella, Enrique Montilla III, Wilfredo Feleo Jr., Arnaldo Espinas at Daniel Landingin; mga opisyal ng Forum Pacific Inc. na sina Valenzuela Rep. Weslie Gatchalian at Elvira Ting; at mga opisyal ng The Wellex Group na sina William Gatchalian, Yolanda dela Cruz, Dee Hua Gatchalian, Arthur Ponsaran, Geronimo Velasco Jr., Peter Salud, Rogelio Garcia, Lamberto Mercado Jr., Evelyn dela Rosa, Joaquin Obieta, Kenneth Gatchalian, at mga opisyal ng Express Savings Bank Inc. na sina George Chua, Gregorio Ipong, Wilfredo Billena, Edita Bueno, at Generoso Tulagan.
     Si Pichay ay dating chairman ng LWUA at si Gatchalian ay executive vice president ng WGI.
     Ang kaso ay kaugnay ng pagsasabwatan umano ng mga akusado sa pinasok na kontrata ng LWUA para sa pagbili ng bangko na lugi ayon sa Ombudsman.
     Binili umano ang LWUA ng 445,377 shares ng Express Savings Bank Inc. na pagmamay-ari ng Wellex at FPI sa halagang P80 milyon. Inaprubahan din umano ng LWUA board ang paglalagay ng P700 milyon sa bangko upang lumaki ang kapital nito.
   Ayon sa Ombudsman iligal ang transaksyon dahil hindi ito inaprubahan ng Office of the President, Department of Finance, Monetary Board at Bangko Sentral ng Pilipinas. Lumabag din umano ito sa banking rules and regulation ng bansa.
     “In view of the bank’s precarious financial standing at the time of the sale, the windfall received by herein private respondents must be deemed unwarranted benefit, advantage or preference,” saad ng Ombudsman sa desisyon nito na magsampa ng kaso.

Read more...