Imee sinabing ilang barangay officials sangkot din sa droga

INAABANGAN na ngayon ng publiko ang muling paghahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan inaasahang papangalanan ang iba pang personalidad, kasama na ang mga lokal na opisyal na sangkot sa droga, at para kay Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, maging ang ilang opisyal ng barangay ay sangkot sa iligal na droga.

Sa harap ng paglala ng problema ng droga sa bansa, naniniwala si Pangulong Duterte na hindi mamamayagpag ang operasyon ng droga kung walang suporta ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan.

Dinugtungan naman ito ni Gov. Marcos sa pagsasabing naniniwala siyang maging ang ilang mga opisyal ng barangay ay nagiging protektor din ng mga sangkot sa operasyon ng iligal na droga.

Nauna nang idiniin ni Gov. Imee sa kanyang 2015 State of the Province Address na ang “The first requisite of development is peace and order.”

Aniya, kailangan ang tulong ng mga barangay at ng mga kabataan upang mabuwag ang malalaking sindikato, kasama na ang mga sindikato ng droga.

Hinamon pa niya ang pulis at militar na tigilan na bawasan ang pagkalat ng mga illegal firearms at pahintuin ang walang takot na pamamaril ng ng mga motorcycle riding-in-tandem na sinasabing ginagamit din ng mga sindikato ng droga.

Sumunod na rin ang ibang probinsiya sa Ilocos Norte sa gera nito kontra droga, partikular ang Cagayan Police Provincial Office (CPPO) na nagsagawa ng sunod-sunod na rin ang operasyon laban sa mga drug dealer.

Kamakailan, nagsagawa ang CPPO kasama ang Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO) ng operasyon sa Brgy. Culao, Claveria, Cagayan na nauwi sa pagkakahukay sa P900 milyong halaga ng shabu.

At sa nakaraang dalawang buwan, dalawang Ilocano drug personalities umano na sina Raymund Weil Pobre at Rolando Garvida ang namatay, resulta ng kampanya ng PNP laban sa droga.

Si Pobre ay ika-8 sa notoryus na drug dealer, samantalang si Garvida ay ika-6. Sila ay pinaniniwalang namatay nang subukang makipagbarilan sa mga pulis.

Noon pa man ay nagdeklara na si Gov. Marcos ng gera kontra iligal na droga.

Kung titignan ang datos ng Philippine National Police (PNP) at kanyang mga pahayag sa nakaalipas na taon, si Gov. Marcos pa ang tunay na nangunguna sa lahat ng gobernador sa iba’t ibang lalawigan sa buong Ilocos Region na lumalaban sa mga sindikato ng droga.

Ngayong si Duterte na ang pangulo ng Republika ng Pilipinas, mas nakakakuha ng suporta si Gov. Marcos Imee kay Duterte sa kampanya nito kontra droga dahil kumbinsido siya na napakaimportante ng partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan para matiyak ang tagumpay ng bagong administrasyon sa kampanya nito kontra droga.

Read more...