NAKAUSAP ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer si Labor Attache’ Jalilo dela Torre, mula Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong.
Ikalawang beses na ang pagkakatalaga sa HK ni Dela Torre, kung kaya’t alam na niya ang mga problemang kinakaharap ng mga OFW doon.
Hindi rin naman lingid sa ating kaalaman na pawang mga kababaihan ang bumubuo ng malaking bilang ng ating mga OFW, habang may 500 organisasyon meron ang mga Pinoy doon na may sari-sariling programa.
Lahat na yata ng mga aktibidades at okasyong pang OFW, nagawa na nila sa Hong Kong.
At sa lahat ng mga iyon, hindi maaaring mawala ang mga beauty contest.
Halos linggo-linggo yata ay may contest ng pagandahan. At talaga nga namang nilalahukan ito ng ating mga kababaihan.
Ayon kay Dela Torre, katwiran ng mga organisasyon at mga Pinay na sumasali rito, malaking tulong ito sa kanila para mapalakas ang kanilang personalidad. Ikalawa, para na rin makapangalap ng pondo para sa kanilang mga organisasyon.
Pero meron nang nais ipahinto ang mga contest na ito.
Ang ilan gustong matigil ang ganitong mga gawain kasi, unang-una ayon kay Dela Torre, ipinangungutang ito ng mga kababaihan upang makasali lamang, gagastusan ang pagpaparehistro, mga damit at gown na gagamitin, at maraming mga linggo na praktis para sa paghahanda sa naturang contest.
Sa halip nga naman na gugulin ng ating mga kababaihan ang kanilang mga day-off, kung bakit hindi na lang ito gugulin sa mga mas importante at produktibong mga pagkaka-abalahan.
Nariyan anya ang mga online courses ng TESDA at marami pang mga pangkabuhayang pa-seminar mula rin sa iba’t-ibang mga organisasyon at sa business sector doon na tiyak na makakatulong sa kanilang pangkabuhayan at kaalaman.
Isa pang matinding ipinupunto ni Dela Torre na ginagawa nitong objects of sexual exploitation ang ating mga kababaihan at nagpapababa sa imahe ng isang Pilipina.
At dahil sa mga hindi disenteng paggawi, pinangangambahan ding maaari silang makasuhan sa paglabag sa Societies Ordinance ng Hong Kong.
Ito rin ang ugat at sanhi ng korapsyon sa mga organisasyon dahil wala silang pananagutan na mag-sumite ng kanilang accounting para sa mga salaping nalikom sa naturang contest.
Dahil dito nag-aaway away ang mga opisyal ng naturang grupo at pera ang ugat ng lahat mula sa kinita sa mga Pinay OFW na sumali sa kanilang mga beauty contest.
Positibong tinanggap ang panawagang ito ni Dela Torre na tuluyan na ngang ihinto ang mga beauty contest na ito sa HK mula sa iba’t-ibang mga organisasyon pati na ang mga negosyanteng naoobligang mag-sponsor sa naturang mga patimpalak kahit nga naman walang kinalaman iyon sa kanilang mga negosyo.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com