Kylie tinanggihan ang role na Amihan sa Encantadia: Gusto ko kasi si Pirena!

SANYA LOPEZ, GLAIZA DE CASTRO, KYLIE PADILLA AT GABBI GARCIA

SANYA LOPEZ, GLAIZA DE CASTRO, KYLIE PADILLA AT GABBI GARCIA

Ni Jun Nardo

DISMAYADO si Kylie Padilla nang hindi napunta sa kanya ang inaambisyong papel na Sang’gre Pirena nu’ng mag-audition siya para sa remake ng Encantadia. Kay Glaiza de Castro napunta ang nasabing character.

“Nang sinabi sa akin ang tungkol sa Encantadia, ang gusto ko talaga, si Pirena. Pumunta ako roon, nag-audition, para kay Pirena. Wala akong isinuot na blue outfit.

“Kontrabida ang gusto ko, oo. Pero nag-audition ako sa lahat, Pirena, Danaya, Alena. Tapos, napunta sa akin si Amihan! Ha! Ha! Ha!” ang role nga niya sa Kapuso telefantasya.

“Nalungkot ako nu’ng una. Oo. Nang hindi ko makuha si Pirena,” dagdag pa ng aktres sa press launch ng programa.

Bakit gusto niya ang role ni Pirena? “Siya kasi ang pinakamaangas at red ang costume niya,” rason ng anak ni Robin Padilla.

At dahil hindi niya nakuha ang gusto niyang role, hindi na siya sumipot sa second audition. Subalit hinanap daw siya ng director na si Mark Reyes.

“Hindi ako pumunta dahil hindi naman si Pirena, so wag na lang. Puyat din ako noon. Meron pa akong Buena Familia at ayoko munang mag-isip ng iba. Tapos, nakipag-meeting si direk sa akin. Sabi niya, ‘Kylie, sige na. Pagsisisihan mo pag hindi mo tinanggap,’” saad pa ni Kylie.

Never daw nag-audition si Kylie sa role niyang Amihan. Paano napunta sa kanya ‘yung character? “Kasi sabi ni direk sa akin, nu’ng mag-audition ako, nakikita niya talaga sa akin ‘yung Amihan. Nu’ng nag-meeting na kami, sabi niya, ‘Kylie, you’re my Amihan. Pag-isipan mo. Pagsisisihan mo pag di mo ginawa ang project na ito!’

“Pero ang nangyari, nang mag-research na ako kay Amihan, mas nagustuhan ko na. Kasi pag ang director ang nagsabi sa ‘yo na hindi ito bagay sa ‘yo, you have to trust him. Tapos nakikita ko ngayon, walang ibang Pirena kung hindi si Glaiza lang. Kung ako ang naging Pirena, baka medyo, hmmm! Ha! Ha! Ha!” katwiran ng aktres.

Nag-audition din ang ex-boyfriend niyang si Aljur Abrenica para sa role na Ybarro. Pero hindi ito pumasa. Ano ang naramdaman niya? “Okey lang kasi hindi naman ako si Alena (Gabbi Garcia)! Ha! Ha! Ha!” bulalas niya.

“Kaming dalawa ang nag-audition. Siya kaya ang Ybarro ko noon!” sey ni Kylie.
Kumusta naman ang sabay nilang audition ni Aljur? “Awkward. Maraming nanonood tapos, biglang…Ha! Ha! Ha!”

Okey na ba sila ng ex-boyfriend niya? “Hayan na, hayan na! Papunta na sa wag na!” iwas ni Kylie.
Hindi raw sila nag-uusap ni Aljur pero kapag eksena na ang kinukunan, saka lang sila nag-uusap, “‘Yun ang sinasabi kong awkward. Wala. Kasi wala naman akong sasabihin, eh. Wala rin siyang sasabihin,” diin pa ng dalaga.

Teka, si Julian Trono (rumored boyfriend niya ngayon), nagkikita pa rin ba sila? “Four or five days akong nasa Encantadia,” sagot niya.

Nagbigay naman daw ng pagbati sa kanya si Julian sa role niya sa Encantadia. Sa ngayon, wala na sa GMA ang young actor. Nalungkot ba siya?

“Kung saan siya masaya, okey na. Siya naman ang magdedesisyon at hindi ibang tao. Okey na! Encantadia na ulit!” hiling ni Kylie.

Sa media launch ng Encantadia, pinapanood sa press ang pilot episode ng nasabing primetime show ng GMA. Panalung-panalo ang dating nito sa scope, costumes, special effects at malalaking artistang kasama. Pasabog din ang mga action scene dahil maging sina Dingdong Dantes at Marian Rivera bilang sina Raquim at Ynang Reyna ay napasabak sa labanan, huh!

Sa Hulyo 18 na magsisimula ang bagong Encantadia na ayon kay direk Mark ay three times the original, huh!

Read more...