Coco: Hangga’t may krimen sa Pinas, hindi po matatapos ang FPJ’s Ang Probinsyano!

MACMAC COCO AT ONYOK

MACMAC COCO MARTIN  AT ONYOK

HINDI mawala-wala ang mga ngiti ni Coco Martin sa ginanap na “Pasasalamat” presscon ng FPJ’s Ang Probinsyano noong Miyerkules ng gabi dahil nananatiling number one sa primetime ang kanilang aksyon-serye. Kasama niya sa presscon sina MacMac at Onyok na kumanta at nagsayaw pa sa version nila ng “Tatlong Bibe”.

Ayon sa Primetime King, hindi naman daw magiging maganda ang resulta ng serye kung wala ang mga naging special guest nila. Team effort daw ito at pati buong crew and staff ay malaking tulong sa success ng programa na sinasabing tatagal pa hanggang 2017.

Pero ang sabi ni Coco, “Mahirap po kasing magsalita (kung hanggang kailan), pero dahil nga nagsimula kami September (2015), siguro ang ipapangako namin ay aabot kami ng isang taon.”

Nabanggit ni Coco na gumaganap bilang Cardo sa Ang Probinsyano na ang mga susunod na special guests nila sa serye ay si Vice Ganda kasama ang mga komedyanteng sina Ethel Booba, Chocolate, Lassy at MC.

“Bumubuo kasi kami every episode kung sino ‘yung mga artista at konsepto. Ang next nga si Vice. Sabi ko sa kanya, pangako namin na ibang-ibang Vice ang mapapanood nila rito kasi nga alam na ng lahat kung sino siya sa mga pelikulang nagawa na niya. Iibahin namin si Vice.

“Isa silang malaking sindikato na involved sa cybersex, parang ganu’n ang kuwento nila,” kuwento ni Coco.

Sobrang busy ni Vice kaya natanong si Coco kung paano niya napapayag ang TV host-comedian na lumabas sa Ang Probinsyano, “Ganu’n naman talaga ang magkaibigan, nagtutulungan sa hirap at ginhawa, meron o wala, nandiyan kami para sa isa’t isa.”

Bukod kina Vice at Cesar Montano na napapanood na ngayon sa Probinsyano, pangarap ding makasama ni Coco si Robin Padilla, “Si Robin, si Phillip Salvador, marami pa po. Sabi ko nga, sobrang blessed ko na at gusto kong makatrabaho ang mga hinahangaan kong artista sa sobrang natutunan ko sa kanila ay sine-share rin nila sa project na ito,” sabi ng aktor.

At dahil police crime ang takbo ng kuwento ng Ang Probinsyano ay marami pa palang kuwento ang hindi pa naipapakita sa serye. Sabi nga ni Cardo, “Marami pa po, hangga’t hindi natatapos ang krimen sa Pilipinas, hindi matatapos ang Probinsyano.”

Kasama pa rin sa serye sina Ms. Susan Roces, Arjo tayde, Maja Salvador, Albert Martinez, Agot Isidro, John Prats, Marc Solis at marami pang iba.

Samantala, muling tinanong ang personal life ni Coco sa presscon pero napangiti lang ang binata at nakiusap na ibalato na lang daw sa kanya ang tungkol sa lovelife. Basta ang promise niya, ito naman daw ang aasikasuhin niya after ng Ang Probinsyano.

Kinumusta sa aktor ang nababalitang girlfriend niyang si Julia Montes na nagsabi noon na si Coco na lang ang tanungin kung ano na ang real score nila. Natawa lang si Coco sabay sabing, “Sabi ko nga secret, eh.”

Natanong din kung bakit si Julia ang pinakamalapit sa kanya, “Mabait naman po si Julia, magaling na magaling po siya sa Doble Kara. At busy po siya roon. Minsan naman po nagte-text kami.”

Kailan ba siya aamin tungkol sa kanila ni Julia, “Eh hindi naman po kasi ako ‘sing bata ng JaDine. Ha-hahaha! Sabi ko nga sa edad ko, ako dapat ‘yung ano talaga eh, iniingatan ko ‘yung pribadong buhay ko kasi sobra-sobra na ‘yung naibibigay ko sa trabaho ko, ‘yun na lang po dapat ‘yung itira ko.”

At dahil magkapitbahay na sila ni Julia ngayon ay nadadalaw na ba niya parati ang dalaga, “Palagay ko po kahit dumalaw ako wala rin siya sa bahay niya kasi everyday din po siyang nagte-taping,” mabilis na sagot ni Coco.

Read more...