Pichay, Gatchalian, iba pa kinasuhan

Win-Gatchalian
  Sinampahan ng mga kasong kriminal sina Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay, at Sen. Sherwin Gatchalian kaugnay ng maanomalyang kontratang pinasok ng Local Water Utilities Administration noong 2009.
    Tatlong kaso ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, tatlong kaso ng Malversation, paglabag sa General Banking Law of 2000 at Manual of Regulation for Banks ang isinampa sa Sandiganbayan laban kay Pichay.
     Kasama rin sa isinampang kaso ng Office of the Ombudsman ang mga dating opisyal ng LWUA na sina Eduardo Bangayan, Aurelio Puentevella, Enrique Montilla III, Wilfredo Feleo Jr., Daniel Landingin; mga opisyal ng Forum Pacific Inc. na sina Valenzuela Rep. Weslie Gatchalian at Elvira Ting; at mga opisyal ng The Wellex Group na sina William Gatchalian, Yolanda dela Cruz, Dee Hua Gatchalian, Arthur Ponsaran, Geronimo Velasco Jr., Peter Salud, Rogelio Garcia, Lamberto Mercado Jr., Evelyn dela Rosa, Joaquin Obieta, at Kenneth Gatchalian.
     Si Pichay ay dating chairman ng LWUA at si Gatchalian ay executive vice president ng WGI.
     Ang kaso ay kaugnay ng pagsasabwatan umano ng mga akusado sa pinasok na kontrata ng LWUA para sa pagtatayo ng specialized lending institution para sa local water utilities.
     Bumili umano ang LWUA ng 445,377 shares ng Express Savings Bank Inc. na pagmamay-ari ng Wellex at FPI sa halagang P780 milyon at binayaran ng P80 milyon ang pamilya Gatchalian sa transaksyong ito.
    Ang shares ay katumbas umano ng 60 porsyento ng outstanding common shares ng ESBI.
     Ayon sa Ombudsman iligal ang transaksyon dahil hindi ito inaprubahan ng Office of the President, Department of Finance, Monetary Board at Bangko Sentral ng Pilipinas. Lumabag din umano ito sa banking rules and regulation ng bansa.
     Lugi rin umano ang ESBI ng bilhin ng LWUA noong Marso 2009. Mula 2005 hanggang 2009 ay patuloy umano ang pagkalugi ng bangko.
     Noong 2011, inilagay ng Monetary Board ang ESBI sa receivership at pumasok ang Philippine Deposit Insurance Corporation para kunin ang mga pagmamay-ari ng bangko.
     “In view of the bank’s precarious financial standing at the time of the sale, the windfall received by herein private respondents must be deemed unwarranted benefit, advantage or preference,” saad ng Ombudsman sa desisyon nito na magsampa ng kaso.

Read more...