Imbestigasyon sa pagpatay sa mga drug suspect wag pigilan

house of rep
Hindi iaatras ni Ifugao Rep. Teddy Brawner Baguilat ang kanyang resolusyon para maimbestigahan ang serye ng pagpatay sa mga drug suspects.
     At hindi rin nagustuhan ni Baguilat ang ginawa umanong pag-atake kay Sen. Leila de Lima na nananawagan ng kaparehong imbestigasyon sa Senado.
     “Akala ko ba age of transparency tayo with FOI EO (Freedom of Information Executive Order). They’re contradicting their own policy of transparency,” ani Baguilat.
     Iginiit ni Baguilat na ang layunin ng ipinapatawag niyang imbestigasyon ay upang malaman kung sumunod sa legal na proseso ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng mga drug suspect.
     “It seems na sa ngalan ng anti-drug campaign itong mga Extra Judicial killings,” ani Baguilat. “Ano ang ginagawa ng kapulisan dito? Kakatakot na kahit sino pwede ipapatay at sabihin na drug pusher.”
    Sinabi ni Baguilat na marami sa mga pinapatay ay mga mahihirap na utusan lamang ng mga malalaking taong sangkot sa ipinagbabawal na gamot.
     Karamihan na pinapatay ay drug pusher. Pinakamababang sundalo sa drug trade. Mga mahihirap at maliliit na tao,” dagdag pa ng solon. “Pero meron sa itaas nila na drug dealer tapos drug lord tapos baka drug protector. Hindi ba’t maraming bintang ngayon na mga heneral at mayors ang kasangkot daw?”
     Mismong si Pangulong Duterte ay nagsabi na maaaring ang ilan sa mga drug suspect ay pinapatay ng mga pulis na kanilang kasabwat upang hindi sila maiugnay nito sa iligal na droga.
     May ganitong pananaw din si Baguilat. “Pero mukhang inuubos yong mga pushers. Paano kung bahagi ito ng cover up para hindi sila makasumbong kung sino pa ang kasangkot at kung paano lumaganap yong drug trade dahil sa mga heneral at mayor?”
     Nauna ng sinabi ng Solicitor General na poproteksyunan nito ang mga pulis na nakakapatay ng mga drug suspect.

Read more...