Inaantabayanan na sa Sandiganbayan ang pagsasampa ng kaso ng Office of the Ombudsman laban kay dating Vice President Jejomar Binay.
Noon pang Hulyo 1 nawala ang immunity ni Binay laban sa mga asunto kaya maaari ng isampa ng Ombudsman ang nakabinbing kaso nito kaugnay ng umano’y anomalya sa pagpapatayo ng Makati City Hall Parking Building.
Nauna ng sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na isasampa nila ang kaso kay Binay pagbaba nito sa puwesto.
Noong Pebrero ay kinasuhan ng Ombudsman ang anak ni Binay na si dating Makati Mayor Junjun Binay.
Kasama sa kaso ang dating ikalawang pangulo subalit hindi siya maaaring sampahan ng kaso noon bilang isang impeachable officer.
Ang nakababatang Binay ay nahaharap sa dalawang kaso ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at anim na kaso ng Falsification of Public Documents.
Ayon sa Ombudsman nagsabwatan ang mag-amang Binay at iba pang opisyal ng city hall at mga pribadong indibidwal sa overpriced na pagpapatayo sa gusali na nagkakahalaga ng P2.28 bilyon.
Sinimulan ang proyekto sa panunungkulan ng nakatatandang Binay bilang mayor ng lungsod at ipinagpatuloy ng kanyang anak.
MOST READ
LATEST STORIES