KUWELA palang katsika ang Kapuso actor na si Kiko Estrada, ang anak ng nagbabalik-showbiz na si Cheska Diaz kay Gary Estrada. Isa si Kiko sa mga magbibida sa bagong afternoon soap ng GMA na Sinungaling Mong Puso.
Palabiro, kalog at very cool kausap ang guwapong binata na na-e-excite na raw sa halikan at love scenes niya with leading lady Rhian Ramos na pumayag matawag na “matanda” at “cradle snatcher” sa kanilang serye.
As we all know, remake nga ito ng hit movie nina Ate Vi (Vilma Santos), Gabby Concepcion, Aga Muhlach at Aiko Melendez na idinirek ni Maryo J. delos Reyes noong early 90’s. Siyempre ginawa lang updated ang TV version with Rhian, being a battered wife ng karakter ni Rafael Rossel na anak ng isang mayamang pulitiko (Michael de Mesa), at ma-i-involve nga sa karakter ni Kiko na karelasyon naman si Jazz Ocampo.
“Hindi po kami pinayagang panoorin ang movie kasi baka raw gayahin namin ang akting nila o baka mas ma-pressure kami dahil magagaling doon sina Ms. Vilma. But according to my mom (Cheska who is also in the soap), one of the best movies daw yun at napakaga-ling nga raw po doon ni Tito Aga,” sey ni Kiko na siyang gaganap as role noon ni Aga.
Sumegue pa ang guwapong binata na ngayon lang siya magkakaroon ng dalawang leading ladies kaya raw dapat lagi siyang handa. Bukod daw sa sisiguraduhin niyang maliligo siya ng wagas eh, dapat din daw na laging “amoy baby” ang kanyang hininga.
Kuwelang-kuwelang kausap si Kiko na hangad naming magtagumpay as a young hottie actor dahil galing naman siya talaga sa angkan ng mga artista. Ngayong July 18 na magsisimula sa panghapong serye ng GMA 7, na ikinagulat nga ng marami dahil temang pang-primetime ang konsepto ng Sinungaling Mong Puso.
“That’s among the challenges we need to meet and all find out,” simpleng tsika ni direk Ricky Davao na umaming may pressure din sa kanya ang project dahil “klasiko” na ngang matatawag ang obra ni direk Maryo, some 24 years ago.
q q q
“Pressured ako since it’s Ms. Vilma, pero kasi the advice given to me is do it on my own way and hopefully people will find appreciation in the kind of labor I’ll be doing on it!” Ito naman ang sinabi ni Rhian Ramos na muling magbibida sa GMA 7, after nga ng medyo mahaba-habang panahon na tila nawala siya sa eksena.
“Marami rin naman po akong nagawa na projects. Nagkataon lang siguro na isa ito sa mga pinaka-pinag-usapan at masasabi kong sobrang ganda ng challenge,” sagot ni Rhian. Perfect timing din daw ang pagkakaalok sa kanya ng role dahil ready na siyang magpabugbog sa eksena at pumatol sa mas bata sa kanya (though ilang years lang naman ang agwat ng edad niya kay Kiko).
Tawa nga rin nang tawa ang magandang aktres na iniilusyon na ng batang si Kiko ang mga eksena nila kaya’t nag-dialogue ito ng, “Masarap kasing basahin ang script, talagang mai-imagine mo na ang magaganap, pero siyempre nasa direktor namin iyan kung paano itong ie-execute. As an actor, ready ka dapat.”
Kahit naman daw siya ay na-e-excite lalo pa’t sa ilang scenes na nakunan na sa kanila ni Rafael, playing her husband ay “pinag-ilusyunan” din niya ang magandang “abs” nito. Ang una nga raw na seksing eksena na makikita sa kanya ay yung kanyang “kuyukot” na agaw-eksena sa serye at marami pa raw susunod diyan.
Pero mismong si direk Ricky Davao na ang nagsabi na napakagaling ni Rhian sa pilot week pa lang ng Sinungaling Mong Puso. Wala rin daw itong kaarte-arte as taping dahil lahat ng i-pinagagawa niya sa Kapuso actress ay sinusunod nito. Makakasama rin sa bagong afternoon series ng GMA sina Glydel Mercado, Sherilyn Reyes, Stephanie Sol, Gee Canlas, JC Tiuseco, Gab de Leon at marami pang iba.